CICL kinasauhan ng frustrated murder
BATANG AKTOR KRITIKAL SA SAKSAK NG KAIBIGAN

101926 Hataw Frontpage
101926 Hataw Frontpage

HATAW News Team

SINAMPAHAN ng kasong frustrated murder nitong Linggo, 18 Oktubre, ang 15-anyos suspek sa pananaksak sa 13-anyos batang aktor na si Angelo Teves.

Samantala, patuloy na inoobserbahan ang kalagayan ng biktima matapos saksakin nang walong beses ng pinaniniwalaang 15-anyos kaibigang lalaki sa Barangay Payatas, Quezon City, noong nakaraang Lunes, 12 Oktubre.

Si Teves ay kilala bilang batang Adamus sa seryeng Encantadia Chronicles: Sang’gre ng GMA-7, at batang Manuel Quezon, Jr., sa pelikulang Quezon.

Nananatili sa Intensive Care Unit (ICU) ng Quezon City General Hospital (QCGH) ang biktima na tinamaan ng saksak ang lapay at bituka.

Kahapon, ipinahayag ni QCPD District Director P/BGen. Christopher Olazo, sinampahan na ng kasong frustrated murder ang 15-anyos suspek, itinuturing na child in conflict with the law (CICL).

Ayon sa ulat sa hepe ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) na si P/Lt. Col. Rowena Amata, naganap ang insidente dakong 4:30 ng hapon noong nakaraang Lunes malapit sa Golden Shower Basketball Court.

Nabatid na sinaksak ng suspek ang biktima na tinamaan sa kaniyang tiyan, ibabang bahagi ng likod, at kaliwang braso, bago tuluyang tumakas.

Nadakip ng mga tauhan ng QCPD PS 13 ang suspek dakong 6:59 ng gabi nang araw na iyon din.

Matapos ang inquest proceedings noong Martes, 13 Oktubre, inilagay ang CICL sa kustodiya ng Molave Youth Home.