PILOT of the airwaves. ‘Yun ang pangarap ng Sabado (August 6, 2016) sa Kapamilya.
Si Xian Lim sa kanyang pagbabalik sa MMK ang gaganap sa katauhan ni Raymond na lumaking nakadikit ang tenga sa radyo sa kanilang bayan sa Sultan Kudarat. At doon nabuo ang pangarap niya na maging isang radio personality sa kabila ng mga dinaramdam sa katawan.
Sa hindi inaasahang pangyayari, nagkaroon siya ng sakit na leukemia sa murang edad. Sa tulong ng kanyang ina na si Erlinda (Lara Quigaman), bumuti ang lagay ni Raymond ngunit umpisa pa lang pala ito ng mga kailangan niyang harapin na kondisyong medikal.
Binata na si Raymond nang nakakuha siya ng pagkakataong maging radio DJ sa isang estasyon na dalawang oras ang layo sa kanilang bahay at tuwing 4:00 a.m. ang kanyang shift o programa. Nag-aaral pa siya noong mga panahon na iyon at dahil sa dagdag na bigat ng trabaho ay bumagsak ang bilang ng kanyang mga white blood cell. Dahil sa matinding pag-aalala ay pinahinto ni Erlinda si Raymond na magtrabaho hanggang siya ay hindi pa nakatatapos sa pag-aral.
Ito na ba ang katapusan ng mga pangarap ni Raymond? Ipipilit niya pa rin bang magtrabaho sa radyo o mas pipiliin niyang pangalagaan ang kanyang kalusugan?
Kasama sa August 6 episode ng MMK sina William Lorenzo, Bugoy Cariño, John Vincent Servilla, Angelo Alayon, Maggie dela Riva, at Gigi Locsin. Ang episode ay sa ilalim ng direksiyon ni Raz dela Torre at panulat nina Joan Habanaat Arah Jell Badayos.
Samahan ang MMK sa paggawa ng mas maganda pang mga alaala sa ika-25 anibersaryo nito at bisitahin ang mmk.abs-cbn.com. Huwag din itong palampasin tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Panoorin nang libre ang latest episodes nito sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.
HARDTALK – Pilar Mateo