MAKABULUHAN ang kaarawan ngayon ng aktres at PlayTime Entertainment brand ambassador na si Heaven Peralejo. Imbes kasing magpa-party, tinipon niya ang mga mahihilig maglaro ng pickleball para makalikom ng halagang makabibili ng mga libro na maibabahagi sa maraming kabataang Filipino.
Tinaguriang Pickle for Pages, ang birthday charity pickleball tournament ay ginanap noong Nobyembre 14, 9:00 a.m. hanggang 6:00 p.m. sa Tela Park Pickleball Center sa Las Piñas. Pinagsasama-sama ng kaganapang ito ang mga mahihilig sa pickleball, mga celebrity guest, at mga tagasuporta para sa isang araw ng friendly competition.
Ang kinita ng naturang tournament ay napunta sa BINHI Scholars, mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 2 na sinusuportahan ng Binhi English Literacy Foundation, Inc..
Pinagsasama ng inisyatibong ito ang dalawang bagay na malapit sa puso ni Heaven: ang pickleball at pagbabasa. Bilang isang matagal nang mahilig magbasa, umaasa si Heaven na maibahagi ang saya ng pagbabasa ng libro sa mga batang mag-aaral at makatulong na mabigyan sila ng mga decodable book at storybook ngayong Pasko.
“Gusto kong gawing mas makabuluhan ang pagdiriwang ng aking kaarawan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang bagay na mahal ko para sa isang makabuluhang layunin.
“Ang bawat rally ay isang pagkakataon upang matulungan ang mga bata na matuklasan ang saya ng pagbabasa, mabuo ang kanilang tiwala sa sarili, at magkaroon ng panghabambuhay na pagmamahal sa pag-aaral.
“Kung makagagawa tayo ng pagbabago nang paisa-isang libro, sulit ang paglalaro para sa bawat puntos,” sabi ni Heaven.
Tampok sa tournament ang mga dibisyong beginner at intermediate, na tinanggap ang mga self-reported na DUPR rating. Ang registration ay ₱1,800 bawat manlalaro, na may kasamang participant kits, mga sponsored giveaway, at mga premyo para sa mga nagwagi sa tournament.
Bilang isa sa mga brand ambassador ng PlayTime Entertainment, kinakatawan ni Heaven ang mas malawak na pangako ng kompanya na ilapit ang entertainment sa mga Filipino.
Sinasalamin din ng kanyang birthday initiative kung paano makalilikha ng mga pagkakataon para sa pakikilahok ng komunidad at mga makabuluhang adbokasiya ang entertainment at mga personal na hilig.
“Sa PlayTime Entertainment, naniniwala kami na nagiging mas makabuluhan ang mga pagdiriwang kapag nagbibigay ang mga ito ng pagkakataong makapagbigay-balik sa kapwa.
“Ang ‘Pickle for Pages’ ay isang magandang halimbawa kung paano mapagsasama-sama ng magkakaparehong hilig sa sports ang mga tao para sa isang mas dakilang layunin.
“Higit pa sa kompetisyon, ang bawat rally ay nakatutulong sa literacy ng mga bata at nagbibigay sa mas maraming batang Filipino ng pagkakataong matuklasan ang saya at kapangyarihan ng pagbabasa,” wika naman ng Pangulo ng PlayTime Entertainment na si Crisanto Roy Alcid. (MVALDEZ)
