Archi Adamos wagi muling Best Actor  

Archi Adamos Pater Noster

HARD TALK
ni Pilar Mateo

HINDI siya nagmula sa Pilipinas. Sa Syria siya isinilang. Pero sa Amerika namuhay. Nasa medisina ang kaalaman. Pero nahilig sa paggawa ng pelikula. Si Dr. Moutaz Koutrob o Matt. 

Pater Noster (Our Father) ang ipinrodyus ng kanyang LGK Films at instrumento pa ang aktres na si Vivian Velez para makakilala ng mga tao mula sa industriya si Matt.

Nag-audition ng mga artistang  pwedeng gumanap sa pangunahing karakter ng mag-ama.

Si Archi Adamos, beteranong aktor na nagsimula sa teatro pero sa unang pelikula pa lang na Bona ay naging Lino Brocka baby na ang nakakuha sa papel ng ama. At si Arron Villaflor naman ang anak.

Viva Films ang nag-distribute nito sa bansa.

At napisil ito ng katatapos na Authentic Global Film Festival na ginanap sa Writers Guild Theater sa North Hollywood sa Los Angeles, California, USA na gawaran ng Best Feature Film at Best Actor para kay Archi.

Kaya sa isang simpleng seremonya (sa Alphaland Suites Lounge sa Makati) ng pasasalamat, iginawad kay Archi at sa iba pang nagsipagwagi ang kanilang mga tropeo na si Matt ang tumanggap sa Amerika.

Ilan din sa mga napanalunan ng pelikula sa ibang bansa ang Best Feature Film sa Hollywood Indie Festival, 10th Portugal International Film Festival (Official Selection), Singapore Film and Script Festival (Best Sound Design), Creation International Film Festival (Best Feature Drama, Best Feature Director, Best Feature Screenplay, at Best Feature Lighting), at sa Cinema Worldfest Awards (Merit Award for Crime Drama, Merit Award for Acting, Merit Award for Screenplay, Merit Award for Cinematography,  and Recognition Award for Lighting).

Sa nasabing salo-salo, ipinakita na rin ni Direk Matt ang mga susunod niyang proyekto–ang Next Life at Erehwon.

Samantala, ibinahagi ni Sir Archi ang kanyang panalo sa itinuturing na siyang bida sa Pater Noster na si Arron.