Vilma binigyan ng isang minutong standing ovation sa 42nd Star Awards 

Vilma Santos Ricky Lee

MULA pagdating hanggang pag-uwi pinagkaguluhan si Batangas Governor Vilma Santos. Halos hirap ang mga hawi boys sa pagsaway sa napakaraming fans na sumasalubong at nagkakagulo para makalapit kay Ate Vi. 

Binigyan ng pakilala bilang Hall of Fame as Movie Actress of the Year si Vilma. Ang aktres ang unang nakapasok sa Hall of Fame ng Philippine Movie Press Club (PMPC) at ipinagkakaloob nila ito sa isang aktres na nagwagi ng sampung best actress award. 

Ang mga pelikulang pinagwagian ni Gov Vilma ay ang Pahiram ng Isang Umaga (1989); Dahil Mahal Kita: The Dolzura Cortez Story (1993); Bata, Bata, Paano Ka Ginawa (1998); Anak (2000), Dekada ’70 (2002), Mano Po 3: My Love (2004), In My Life (2010), Everything About Her (2016), When I Met You In Tokyo (2023), at Uninvited (2024).

Bago ang pagbibigay ng tropeo, hinarana muna si Ate Vi ng kanyang onscreen partner na si Edgar “Bobot” Mortiz at ng kanyang malapit na kaibigan na si Tirso Cruz III.

Ang pagpupugay kay Ate Vi ay tumagal ng halos isang oras dahil ipinakita pa ang mga maalamat niyang pelikula, habang ang kanyang mga tapat na tagahanga ay nagpapalakpakan at ang mga manonood ay nagbigay ng isang minutong standing ovation. May mga pagkakataong nakikita naming nagpupunas ng luha si Ate Vi sa ilan niyang pelikulang may mga madadamdaming tagpo. 

Sina Boots Anson Roa-Rodrigo at Direk Dan Villegas ang nag-abot ng parangal kasama ang past presidents ng PMPC.

Ani Ate Vi sa pagtanggap ng award, “Ang Hall of Fame, parang hindi magandang pangitain. Parang hindi niyo na ako kikilalanin. At saka isa pa, parang may usapang edad,” kasunod ang paghalakhak.

Iginiit din ni Ate na patuloy pa rin siya sa paggawa ng pelikula.

Samantala, ang beteranong sound engineer na si Albert Michael Idioma at ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee, ay pinarangalan din ng bilang Hall of Fame. 

Tatlong haligi naman ng local film industry ang pinarangalan ng Lifetime Achievement Awards, ito ay ang megastar na sina Sharon Cuneta gayundin sina Rez Cortez at Alex Muhlach. (MValdez)