Krystel Go sa nagtawa kay Joshua: Hindi kami punchline, tao rin kami

Krystel Go Josh Aquino

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

DUMEPENSA ng aktres na si Krystel Go sa isyu ng pambabastos ng Machong Chismisan video podcast kayJoshua Aquino.

Si Krystel na bumida sa pelikulang I’mPerfect ng Nathan Studios na ipinalabas sa Metro Manila Film Festival 2025 ay isa ring person with disability tulad ng panganay ni Kris Aquino, na si Joshua.

Sa post ni Krystel sa kanyang Facebook account, ipinagtanggol nito si Joshua gayundin ang sarili at mga kapwa niya person with disability sa pangungutya ng mga host ng Machong Chismisan.

“📢 HINDI KAMI PUNCHLINE. HINDI KAMI CONTENT LANG. TAO RIN KAMI!” ang titulo ni Krystel sa kanyang post.

Iginiit ni Krystel na hindi awa kundi respeto at hindi dapat gawing katatawanan ang kanilang disability.

Aniya, “PWD man po kami, pero may dignidad, damdamin, pangarap, at karapatan din po kaming respetuhin. ❤️

Ang disability ay hindi katatawanan. Hindi ito dapat gamitin para makakuha ng views, likes, o engagement. Sa likod ng bawat salitang binibitawan ay may taong nasasaktan, may pamilyang nag-aalala, at may pusong lumalaban araw-araw para matanggap at mapahalagahan ng lipunan.

Hindi po namin hinihingi ang awa. ANG HINIHINGI NAMIN AY RESPETO!”

Sinabi pa ni Krystel na hindi dapat sila gamitin para magpatawa o gumawa ng content.

“Kung kaya ninyong gawing content ang tungkol sa amin, sana kaya rin ninyong unawain ang aming pinagdaraanan at pakinggan ang aming mga boses.

Ang pagiging comedian o content creator ay hindi lisensiya para maliitin ang ibang tao. Ang tunay na impluwensiya ay ginagamit upang magbigay-kaalaman, magpalaganap ng kabutihan, at magbigay-inspirasyon—hindi upang manghamak.”

Sa huli iginiit ng aktres na mahalaga rin sila sa ating mundong ginagalawan.

“Maraming salamat sa Down Syndrome Association of the Philippines, Inc. (DSAPI) sa paninindigan para sa dignidad at karapatan ng ating komunidad. ❤️

SA LAHAT NG PWD AT PAMILYA NILA: MAY HALAGA TAYO. MAY BOSES TAYO. DESERVE NATIN ANG RESPETO.

Hindi kami perpekto, pero hindi rin kami punchline.

PWD MAN PO KAMI, PERO MAY HALAGA RIN PO KAMI SA MUNDONG ITO! ❤️♿#RespectPWDs #PWDrights #DownSyndromeAwareness #InclusionMatters #StopDiscrimination.”

Nasundan pa ang post na ito ng MMFF 2025 Best Actress sa kanyang FB na aniya hindi dapat ginagawang katatawanan ang mga taong may kapansanan.

“I STAND FOR RESPECT. I STAND FOR INCLUSION,” ani Krystel.

Pagpapatuloy pa niya, “As a person with Down Syndrome, I believe na bawat isa sa atin ay deserves respect, kindness, and understanding.

“Hindi po dapat gawing joke ang disability ng isang tao. We have feelings, dreams, and talents, too. 

“We deserve to be treated with dignity, not used for entertainment or content.

“Thank you to the Down Syndrome Association of the Philippines, Inc. (DSAPI) for standing up for our community and reminding everyone that no person should be mocked or belittled because of their condition.

“Hindi po kami humihingi ng awa. We are asking for RESPECT. 

“PWD man po kami, we have dignity, we have a voice, and we matter, too!” ang matapang na pahayag ni Krystel gamit ang mga hashtag na #RespectPWDs,  #InclusionMatters at #DownSyndromeAwareness.”