NAGING espesyal ang tagumpay para sa mag-inang Glowlyn Malipol at 13-anyos na si Christine May Morales matapos kapwa umakyat sa podium sa katatapos na 2nd Leg Mini-Me and Veterans National Ranking Competition sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Habang muling namayagpag si Morales sa pagkubra ng gintong medalya sa Under-14 Women’s Foil, nagpakitang-gilas din ang kanyang ina na si Malipol na nag-uwi ng silver medal sa Veterans Women’s Epee event, dahilan upang maging doble ang kanilang selebrasyon.
Para kay Morales, naging mas makahulugan ang kanyang pagkapanalo dahil nakasama niya sa podium ang kanyang ina.
“Masaya ako na nanalo ako ng gold, pero mas naging espesyal ito dahil nanalo rin ang mom ko ng medalya. Pareho kaming nasa podium at sobrang proud at happy ako na naibahagi namin ang tagumpay na ito,” pahayag ni Morales.
Tinalo ng 13-anyos na University of the East student-athlete si Ma. Alana Angelique Ribaya ng Canlas Fencing, 10-4, sa championship match upang muling madagdagan ang kanyang koleksiyon ng mga gintong medalya.
Pumasok sa finals si Morales matapos talunin si Eliora Lenie Dela Cruz ng Hampton Fencing, 10-4, habang nakapasok naman si Ribaya sa championship match matapos manaig kay Lily Raine Macapagal ng Oblation Fencing, 10-8.
Sa preliminary rounds, dinaig ni Morales ang kanyang mga katunggali mula sa Republic Fencing na sina Julia Lauren Reyes, 10-1, at Vince Avery Asperin, 10-4.
Samantala, kinatawan ni Malipol ang Quezon City SEP at nagkasya sa silver medal matapos matalo kay Beverly Gay Alarcon ng Luzon Elite Fencing Club sa finals.
Nakapasok si Malipol sa championship match matapos nitong pataubin sina Gay Marie Rafael ng Republic Fencing, 10-9 at Michelle Ragot, 10-4, sa preliminary round ng torneo na norganisa ng Philippine Fencing Association at sinuportahan ng Philippine Sports Commission.
Lalong pinatatag ng panibagong tagumpay ni Morales ang kanyang posisyon bilang isa sa mga nangungunang batang fencer sa bansa. Kamakailan lamang ay nagkampeon din siya sa 3rd Leg Cadet and Junior Championships sa makasaysayang Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila, kung saan tinalo niya ang ilang mas nakatatandang kalaban.
Ang Grade 8 student-athlete at scholar ay nagningning din sa international stage noong nakaraang buwan matapos makuha ang gold medal sa Southeast Asian Fencing Federation Junior and Cadet Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa nalalapit na international tournament na gaganapin sa Disyembre 1 hanggang 10 sa Kuala Lumpur, sinabi ni Morales na dagdag-motibasyon ang kanyang bagong tagumpay upang lalo pang magsikap sa training. (TOPS/HNT)
