NAGOYA – Nakatutok si Alexandra “Alex” Eala sa kanyang laro sa kabila ng matinding pressure at mataas na inaasahan ng mga Pinoy sa kanyang kampanya sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Si Alex Eala ay nagwagi laban kay Joanna Garland ng Chinese Taipei sa iskor na 7-5, 6-0 sa quarterfinals ng 20th Asian Games sa Higashiyama Park Tennis Center.
Matapos ang mahirap na laban sa unang set kung saan humabol siya sa simula, pinatunayan ni Eala ang kanyang galing at tuluyang dinomina ang ikalawang set.
Bilang top seed, batid ni Eala na mas mataas ang atensiyon sa kanya at mas determinado ang bawat kalaban na patunayan ang sarili laban sa kanya.
Gayunman, hindi niya hinahayaang maging pabigat ang naturang pressure.
“Kapag nasa court ako, ako, ang bola at ang court,” sabi ni Eala.
Ayon sa Filipina tennis star, bahagi ng pagiging propesyonal na atleta ang pagtanggap sa posibilidad ng pagkatalo.
Aniya, hindi kailanman garantisado ang panalo sa tennis kaya kinakailangang manatiling alerto at nakatutok sa bawat laban.
Ipinaliwanag din ni Eala ang kanyang desisyong piliing maglaro sa Asian Games sa halip na lumahok sa China Open.
Bagama’t posibleng magkaroon siya ng multa o mawalan ng WTA ranking points, mas pinahalagahan niya ang pagkakataong katawanin ang Pilipinas.
“Representing the country… is very close to my heart and a big part of my dreams,” ani Eala.
Mahalaga rin umano para sa kanya ang pagkakataong makasama ang kanyang mga kasamahan sa national team at makakuha ng karanasan sa mga kompetisyong tulad ng Asian Games, SEA Games at, balang araw, Olympics.
Hindi na bago kay Eala ang maglaro bilang underdog o bilang seeded player.
Ayon sa kanya, magkaiba man ang hamon sa dalawang sitwasyon, parehong nangangailangan ng tamang paghahanda at mentalidad.
Para naman sa kanyang laban, naging dikit ang unang set na puno ng breaks at deuce.
Sa huli, nakakuha siya ng mahahalagang puntos sa mga kritikal na sandali upang maungusan ang kanyang kalaban.
Samantala, aminado si Eala na malaking bahagi ng kanyang buhay bilang WTA player ang siksik na iskedyul at mabilis na turnaround.
Kaya naman simple ang kanyang paraan upang manatiling handa: planuhin ang bawat araw, harapin ang isang laban sa bawat pagkakataon at unahin ang kalusugan. (POC Media Pool/HNT)
