Sako ng bigas ‘di pinalagpas
Dayuhan, Pinay na kasabwat timbog sa pamemeke

CIDG Bulacan Rice

NAGPATUPAD ng search warrant ang CIDG Bulacan Provincial Filed Unit, kasama ang mga kinatawan mula sa Goldman Sack Manufacturing Corporation, katuwang ang mga teritoryal na yunit ng pulisya para sa kasong paglabag sa RA 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines sa isang bodegang matatagpuan sa Brgy. Batia, sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan.

Nadakip sa operasyon ang isang Chinese national at kaniyang kasapakat na Filipina, kasabay ng pagkakakompiska sa 101 bundle o 80,800 piraso ng pinaniniwalaang peke at lumalabag sa copyright/trademark na sako ng bigas na may iba’t ibang tatak o brand —tinatayang nagkakahalaga ng P800,000.

Sa ulat na isinumite kay CIDG Director P/Maj. Gen. Robert Morico II, nakasaad na ang dalawang suspek ay inaresto dahil sa pag-iimbak, pag-aari at pagkontrol, at pakikipagkalakalan ng mga sako nang walang pahintulot ng may-ari ng trademark.

Binigyang-diin ng CIDG Director na ang pangunahing layunin ng RA 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines, ay protektahan at pangalagaan ang mga eksklusibong karapatan ng mga siyentipiko, imbentor, artista, at iba pang mga likas na mamamayan sa kanilang intellectual property at mga likha, lalo na kung ito ay kapakipakinabang sa mga tao.

Dagdag ni P/Maj. Gen. Morico, patakaran ng estado na palakasin ang pagpapatupad ng mga batas sa intellectual property at mga kaugnay na regulasyon sa buong Filipinas.

Nakatakdang sampahan ang mga naarestong suspek ng kasong paglabag sa Section 168 (Unfair Competition, Rights, Regulation and Remedies) kaugnay ng Section 170 at Section 177 (Copyright or Economic Rights) ng RA 8293.

Samantala, pinuri ng pamunuan ng CIDG si P/Col. Grant Gollod, Regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 3 at ang CIDG Bulacan Provincial Field Units sa pangunguna ni P/Maj. Domingo Resma, Jr., para sa matagumpay na operasyon. (MICKA BAUTISTA)