ni Allan Sancon
ISANG simpleng manicurista ang haharap sa isang delikadong mundo ng krimen, kasinungalingan, at kamatayan sa pelikulang Stuck on You, na pinagbibidahan nina Xyriel Manabat at River Joseph at idinirehe ni Mikko Baldoza.
Official entry ito sa Puregold CinePanalo Film Festival 2026, at tila hindi lamang puso kundi pati buhay ang nakataya sa kuwento ng dalawang karakter.
Sa pelikula, gaganap si Xyriel bilang isang heartbroken na manicurista na hindi inaasahang mapapasok sa isang trabahong hindi niya kailanman inakala na gagawin niya—ang trabaho ng isang hitman.
Sa isang pagkakamali, masasangkot siya sa isang mapanganib na conspiracy na maglalagay sa kanyang pamilya sa bingit ng kapahamakan.
Ang mas nakagugulat, kailangan niyang mamili sa pagliligtas ng kanyang pamilya o pagpatay sa lalaking maaaring maging pinakamamahal niyang tao.
Rito lalong nagiging kapana-panabik ang karakter ni Xyriel dahil malayo ito sa isang ordinaryong manicurista. Sa likod ng tila simpleng trabaho ay isang babaeng mapipilitang gumawa ng mga desisyong maaaring magbago sa kanyang buong buhay.
Kaya naman hindi maiwasang itanong kung paano niya ginampanan ang karakter, lalo na’t manicurista ang kanyang role.
Nang tanungin kung marunong ba siyang mag-manicure sa totoong buhay, nakangiting sagot ni Xyriel, “Marunong naman pero hindi po professional, kaya ko lang magtanggal ng sarili kong ingrown sa paa. ’Yan ang itinuro sa akin ng aking kapatid.”
Samantala, mas lalo pang umiinit ang kuwento dahil makakasama ni Xyriel si River, na may mahalagang papel sa kaguluhang kinakaharap ng kanyang karakter. Hindi biro ang makatrabaho ang isang artistang kilala sa husay sa pag-arte, kaya aminado si River na humingi siya ng gabay kay Xyriel habang ginagawa nila ang pelikula.
“Alam naman nating batikan na si Xyriel pagdating sa pag-arte kaya humingi ako ng tips sa kanya. She guided me naman kapag magka-eksena kami,” kwento ni River.
Ipinakita rin nito kung paano naging sandalan ng isa’t isa ang dalawang artista habang hinaharap nila ang mga eksenang puno ng tensiyon at emosyon.
Ngunit higit sa isang action o crime story, tila may malaking tanong na gustong iharap ng Stuck on You sa mga manonood: Hanggang saan ka kayang pumunta para mailigtas ang iyong pamilya?
At kung ang taong kailangan mong patayin ay siya ring taong minamahal mo, kaya mo ba itong gawin?
Sa ganitong premise, siguradong maraming eksena ang maaaring magpabago sa pananaw ng manonood habang unti-unting nabubunyag ang mga sikreto ng kuwento.
Ang Stuck on You ay bahagi ng Puregold CinePanalo Film Festival 2026, na gaganapin mula September 23 hanggang October 4 sa Gateway Cineplex 18, TriNoma, Fairview Terraces, Ayala Malls Feliz, Ayala Malls Circuit, Ayala Malls Manila Bay, at Market! Market! Ang regular ticket ay ₱250, habang ₱200 naman ang discounted rate. Mayroon ding ₱2,000 festival pass para sa mga gustong tunghayan ang buong lineup. Kabilang sa maaaring makakuha ng discounted tickets ang PWDs, senior citizens, students, national athletes, at Aling Puring at Perks cardholders.
Para sa mga naghahanap ng pelikulang may kombinasyon ng romansa, suspense, krimen, at matitinding desisyon, isa sa mga dapat abangan ang Stuck on You.
Available ang festival passes sa Gateway Cineplex 18 simula September 22, at sa TriNoma simula September 23.
Sa tambalan nina Xyriel at River, isang tanong ang tiyak maglalaro sa isip ng manonood: Kapag ang puso at pamilya mo ang parehong nakataya, sino ang pipiliin mong iligtas?
