4 patay, 1 sugatan sa QC townhouse na tinupok ng apoy

091626 Hataw Frontpage
091626 Hataw Frontpage

HATAW News Team

HINDI nakaligtas sa kamatayan ang apat na miyembro ng isang pamilya kabilang ang dalawang senior citizen

habang sugatan ang isa pa nang matupok ng apoy ang isang yunit ng townhouse sa Barangay Bahay Toro, lungsod Quezon, nitong Martes ng hapon, 15 Setyembre.

Kinilala ang mga biktimang sina Roberto, 64; Alona, 61; Mercedes Aquino, 31; at isang 17-anyos habang sugatan si ­Angelo Aquino, 41, pawang mga residente sa Silverplace Apartment, Road 14, Barangay Bahay Toro, Quezon City.

Nabatid na sumiklab ang sunog dakong 4:00 ng hapon na umabot sa unang alarma.

Agad naapula ng mga nagrespondeng bombero ang sunog at hindi nadamay ang mga katabing yunit, ngunit hindi nakaligtas ang apat na magkakapamilya kabilang ang dalawang senior citizen, habang sugatan ang isa pang kaanak.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, pinaniniwalaang ang nakaparadang e-bike sa garahe ng bahay ang pinagmulan ng apoy.

Pahayag ni Bernardo Asistorga, Brgy. Bahay Toro Public Safety Officer, na-trap ang mga biktima sa unang palapag ng bahay at na-suffocate sa usok.

Natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima sa ibabang parte ng bahay dahil pumasok sila sa banyo hanggang mahirapang huminga dahil napuno na ng usok at apoy ang loob ng bahay.

Dinala sa punenarya ang mga labi ng mga biktima habang dinala sa pagamutan ang isang nakaligtas.

Nananatiling nakakordon ang nasunog na bahay sa patuloy na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection.