MANILA — Pormal nang nagkasundo ang Philippine Sports Commission (PSC), Pamahalaang Lungsod ng Manila at SM Prime Holdings Inc. para sa makasaysayang rehabilitasyon at pagpapaunlad ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC).
Nilagdaan nitong Huwebes ang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalayong gawing world-class sports, cultural at public engagement hub ang makasaysayang pasilidad, habang pinangangalagaan ang mahalagang bahagi nito sa kasaysayan ng Philippine sports.
Pinangunahan nina PSC Chairman Patrick Gregorio, Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at SM Prime Holdings Inc. President Jeffrey C. Lim ang seremonya ng paglagda sa Mall of Asia Square.
Ayon kay Gregorio, mahalagang hakbang ito para mapanatili ang pamana ng Rizal Memorial habang iniaangat ang pasilidad sa pandaigdigang pamantayan.
“Ang Rizal Memorial Sports Complex ay buhay na simbolo ng ating sporting legacy,” ani Gregorio.
Kabilang sa pangunahing proyekto ang pagtatayo ng PSC Plaza na sasakop sa dalawang lane ng Adriatico Street. Sa pamamagitan ng ordinansa ng lungsod, gagawing walkable public pathway ang lugar at poprotektahan sa pamamagitan ng usufruct agreement para sa patuloy na paggamit at pagpapaunlad ng PSC.
Itatayo rin ang isang elevated walkway na mag-uugnay sa RMSC at sa muling bubuhaying SM Harrison Plaza, bilang bahagi ng planong sports at lifestyle district.
Sinabi naman ni Mayor Domagoso na mahalaga ang proyekto sa paghahanda ng Manila sa pagho-host ng 2027 Southeast Asian Plus Youth Games sa RMSC.
“Hindi lamang ito tungkol sa imprastraktura kundi sa pride, identity at paghahanda sa ating kabisera para sa mga bisita sa 2027,” ani Domagoso.
Iginiit naman ni SM Prime Chairman Hans T. Sy ang patuloy na suporta ng kumpanya sa sports, lalo na sa mga programang nagbubuklod sa mga atleta at komunidad.
Kasama rin sa redevelopment ang pangangalaga sa heritage ng lugar. Nakatakdang ilipat ang P. Ocampo statue upang bigyang-daan ang bagong Dr. Jose Rizal fencing monument, na sasailalim pa sa pag-apruba ng National Historical Commission of the Philippines.
Ayon kay Gregorio, hindi lamang pasilidad ang ina-upgrade kundi ang posisyon ng Manila bilang sports tourism capital ng bansa.
Binigyang-diin naman ni Lim na layunin ng SM Prime at SM Supermalls na makatulong sa paghubog sa Rizal Memorial bilang makabagong sports at lifestyle destination na nananatiling tapat sa kasaysayan nito.
“Ang world-class venues at world-class athletes ay hindi kayang buuin ng gobyerno lamang. Kailangan ang lakas ng public commitment at private partnership upang maiangat ang pamantayan ng Philippine sports,” ani Gregorio.
Dumalo rin sa seremonya ang mga PSC Commissioner na sina Bong Coo, Walter Torres at Fritz Gaston, Chief of Staff Loujaye Sonido, gayundin ang mga arkitekto, abogado at engineer na katuwang sa proyekto.
Kinatawan naman ng City of Manila sina Mayor’s Office Chief of Staff Cesar Chavez, Mayor Domagoso’s secretary Manuel “Letlet” Zarcal, City Legal Officer Atty. Luch Gempis Jr. at City Engineer Armand Andres. (PSC/HNT)
