Richard Reynoso anniversary concert titled “RR40: Timeless Memories,” kasado na sa Teatrino Promenade

Richard Reynoso RR40 Timeless Memories

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

BILANG pagdiriwang ng kanyang apat na dekada sa showbiz, si Richard Reynoso ay magkakaroon ng anniversary concert na pinamagatang “RR40: Timeless Memories.”

Ito ay gaganapin sa September 26, 2026,  7:00 ng gabi, sa Teatrino Promenade Greenhills. 

Special guests ni Richard dito sina Chad Borja, Andrea Gutierrez, VR Caballero, Aquila Packing, Jay-R Dizon, at Rannie Raymundo.

Kabilang sa mga kantang pinasikat ni Richard noong 1990s ang “Hindi Ko Kaya”, “Paminsan-Minsan”, at “Maalala Mo Pa Rin” kaya inaasahang maririnig itong muli sa magaganap niyang concert.

Bukod sa pagiging kilalang singer, si Richard ay naging TV host at nakagawa rin nang higit isang dosenang pelikula.

Ano ang dapat asahan ng mga manonood dito sa kanyang special na concert?

Esplika ni Richard, “Asahan po nila ang isang gabi ng pagbabalik-tanaw at pagpapasalamat sa aking 40 taon sa music at entertainment industry.”

May production number ba siya sa kanyang ibang guest? “Opo, lahat po sila may prod number with me,” pakli ng singer/actor. 

Ano ang highlight ng concert at ano ang feeling na 40 years na pala siya sa showbiz industry?

Tugon niya, “Sa palagay ko po, ang isa sa mga highlights ng gabi ay ang mga nakatatawang experiences ko at mga kantang bihira na nilang marinig o mapanood na kinakanta ko.”

“Parang isang dekada pa lang po ang lumipas. Hehehe,” pabirong wika ni Richard.

Dagdag pa niya, “Thankful po ako siyempre dahil dalawang beses na po akong nagmuntik-muntikan na hindi na umabot sa 40 years.

“Ito po ay isang thanksgiving show para sa mga taong nakasama, nakasalamuha, sumoporta at patuloy na tumatangkilik at nagmamahal sa atin.”

Sa kanyang 40 years sa showbiz, saan siya mas nag-enjoy, bilang actor or singer?

“I think I’m really more of a singer than an actor. Although I also enjoy acting, pero parang mas nag-excel ako sa pagkanta.”

Inusisa rin namin siya ukol sa balitang magbabalik siya as a recording artist?

“I just signed up with PolyEast Records. excited to go back to the studio again. Whats more exciting is that I will be working with a music legend, boss 

Chito Ilagan,” masayang sambit ni Richard.

Last November 6, 2025 ay naging special guests si Richard sa fund raising concert ng aming media group na TEAM (The Entertainment Arts & Media). 

Pinamagatang “OPM: Now & Then”, ito’y ginanap sa Music Museum at nakasama niya rito ang dalawa pang mga premyadong mang-aawit na sina Leah Navarro at Gino Padilla.

Dito’y nakita namin na sina Richard, Ms. Leah, at Gino ay walang kupas sa kanilang husay. Kaya naman ang mga audience rito ay nang-enjoy nang husto.

Anyway, ang “RR40: Timeless Memories” ay hatid ng EchoJham Productions.

Para sa ticket inquiries at reservations, maaaring makipag-ugnayan sa TicketWorld o mag-text/call sa 0915-250-0308 (tel:0915-250-0308).