HARD TALK
ni Pilar Mateo
MARAMI na namang pagpipilian ang buong pamilya sa mga susunod na araw sa mga sinehan.
Especially sa mga tagahanga ni Harry Potter!
Inanunsiyo ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang ratings ng walong pelikula sa Harry Potter film franchise na muling ipalalabas ngayong linggo, kabilang ang iba pang pelikulang local at dayuhan.
Tiniyak si MTRCB Chair at CEO Lala Sotto na ang reissued Harry Potter films ay dudumugin muli sa mga sinehan. Idiniin din niya ang tungkulin ng mga magulang na gabayan ang mga viewing habit ng kanilang mga anak.
“Sa nakaraang Responsableng Panonood campaign namin sa Naga City, Camarines Sur, napakinggan namin ang mga saloobin ng mga magulang doon na naiintindihan nila ang kanilang tungkulin sa paggabay sa panonood ng kanilang mga anak,” sabi ni Sotto.
“Bago pa man tayo bumili ng tiket, silipin muna natin ang MTRCB ratings ng mga pelikulang ito at siguruhin na angkop ito sa edad at pang-unawa ng ating mga anak,” paalaala niya.
Ang walong Harry Potter films ay unang ipinalabas mula 2001 hanggang 2011. Rated G (General Audience) at PG (Parental Guidance) ang muling pagpapalabas ng mga ito.
Rated G ang Harry Potter and the Sorcerer’s Stone.
Rated PG naman ang Harry Potter and the Chamber of Secrets, Harry Potter and the Prisoner of Azkaban, Harry Potter and the Goblet of Fire, Harry Potter and the Order of the Phoenix, Harry Potter and the Half-Blood Prince, Harry Potter and the Deathly Hallows Part I, at Harry Potter and the Deathly Hallows Part II.
Rated R-16 ang Filipino comedy na Ang Pinakamasarap na Pares sa Balat ng Lupa na pinagbibidahan nina Jerald Napoles at Pepe Herrera.
May pagmumura sa pelikula at menacing language, bukod sa “comic violence, mature themes, suggestive humor, sexual acts, brief and infrequent depiction of drugs or their use and references to death or serious illness.”
Ang Filipiñana, isang locally-produced drama na pinagbibidahan nina Jorrybell Agoto, Agot Isidro, at Angeli Bayani, ay rated PG at eksklusibong mapapanood sa SM Cinemas.
Ayon sa Ahensiya, ito ay may mature na tema at “unsettling insights about a young woman’s workplace, the elite members and her own personal story.”
Ang karahasan sa pelikula ay “minimal to non-graphic,” pero may pagmumura rin at pagbanggit sa mga maseselang bahagi ng katawan.
Magagalak naman ang mga bata sa Paw Patrol: The Dino Movie na ginawaran ng G rating. Ang adventure comedy ay base sa sikat na TV series at tampok dito sina McKenna Grace, Fortune Feimster, at Jennifer Hudson.
Sabi ng MTRCB, isinusulong ng pelikula ang teamwork, katapangan, problem-solving, at pagkakaibigan.
Nagbigay naman ng PG at R-13 ratings ang Ahensiya sa lima pang foreign-produced na sine.
Ang Meet Me at the Eclipse, isang Vietnamese film na eksklusibong mapapanood sa SM Cinemas, ay rated PG dahil ito’y may mature at emosyonal na tema gaya ng lost love at life-changing decisions na nangangailangan ng patnubay ng magulang.
“The characters’ actions emphasize love, forgiveness, personal growth and making thoughtful life choices,” sabi ng MTRCB.
Ang A Southern Haunting ay rated PG at eksklusibo namang mapapanood sa Megaworld Cinemas.
Bida rito sina Beth Dover, Ato Essandoh, Dylan Baker, Merle Ackelson, at Donovan Ailton. Ito ay kuwento ng isang ex-slave family na nais malaman ang katotohanan sa likod ng lupang kanilang nakamit.
Ang sci-fi, action-adventure film na The Dog Stars ay mapapanood naman sa SM Cinemas.
Ito’y rated R-13 dahil sa infrequent at non-graphic depiction ng karahasan, paghihirap at post-apocalyptic world at cannibalism.
Ang Hope, isang South Korean sci-fi thriller, ay rated R-13 dahil sa karahansan, peligro, creature horror, alien element, at strong language.
Ang romantic comedy na One Night Only na pinagbibidahan nina Monica Barbaro at Callum Turner ay rated R-13 dahil sa discreet, infrequent, brief, at non-graphic depiction ng sexual activity.
Ang G o General Audience ay para sa lahat ng edad. Sa PG o Parental Guidance, kailangang may kasamang magulang o guardian ang batang manonood.
Ang R-13 ay para sa edad 13 at pataas, samantalang ang R-16 ay sa edad 16 at pataas. Ang R-18 naman ay sa mga nasa wastong edad lamang.
