MA at PA
ni Rommel Placente
HINDI pala pinahahawakan ng pera nina Marian Rivera at Dingdong Dantes ang dalawa nilang anak na sina Zia at Sixto, dahil sa kanilang murang edad. Ganoon nila pinalalaki ang mga ito.
Sa halip, tinuturuan nila ang magkapatid, na kumita ng reward sa pamamagitan ng paggawa ng mga simpleng gawaing bahay.
Para sa aktres mahalagang magsimula raw ang pagtuturo sa disiplina dahil bahagi ito ng pagkatutong pahalagahan ang pera.
“Kasi ‘pag may disiplina ka, kaakibat ‘yun at sunod-sunod na ‘yun, ” sabi ni
Marian.
Bukod sa pagpapalaki sa kanilang mga anak, ibinahagi rin ni Marian kung paano nagbago ang kanyang pananaw sa pera matapos magkaroon ng sariling pamilya.
“Bilang nanay siyempre noong una single ako, iba ‘yung priority ko, nang may asawa na ako, nagkaanak ako. Ngayon parang iniisip mo hindi na lang sa sarili mo eh, iisipin mo ano bang future ang puwede ko gawin para sa mga anak ko?
“Dati sarili ko lang, ipon ako, shop ako. Ngayon, hindi na. Iniisip ko, ano bang makatutulong para sa mga anak ko para maging maganda ang future nila?
“Lumaki kasi ako na nasa lola ako. Na ang bawat kinikita ko after college ko ay mahalaga sa akin.
“Pinahahalagahan ko. So ‘yun ang gusto kong ma-implement sa mga anak ko, na ang kinikita mo ay kailangan inaalagaan mo,” katwiran pa ng misis ni Dingdong.
Nais niyang matutunan ng kanyang mga anak kung paano unti-unting gumastos, mag-ipon, at tukuyin kung ano ang tunay na mahalaga.
“Magandang maturuan natin ‘yung mga anak natin kung paano pahalagahan ang pera.
“‘Pag may binibili ako sa kanila, alam nila kung saan nanggaling ‘yun. Pinagtrabahuan ko, pinag-igihan ko, kaya ko nakuha ‘yun. So gusto ko ganoon din sila paglaki nila. May gusto ka? Pagtrabahuan mo para ‘pag nasa ‘yo, pahahalagahan mo.”katwiran pa ni Marian.
