MANILA — Nag-uwi ng dalawang malalaking parangal ang Philippine Football Federation (PFF) sa 7th Philippine Sports Tourism Awards
na ginanap sa Marriott Grand Ballroom, Newport Resorts sa Pasay City, matapos kilalaning National Sports Association of the Year at International Event of the Year dahil sa matagumpay nitong pagho-host ng FIFA Futsal Women’s World Cup sa Philsports Arena.
Sa pamumuno ni PFF President John Gutierrez, ipinakita ng tagumpay ng PFF kung paano nagagamit ang malalaking international sporting events upang iangat ang turismo, buhayin ang mga komunidad at mas makilala ang Pilipinas sa pandaigdigang sports scene.
Pinuri ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio, panauhing pandangal sa awards night, ang naging tagumpay ng PFF.
“Ang FIFA Futsal Women’s World Cup ay patunay kung paano napagbubuklod ng sports ang mga bansa at naipakikilala ang Pilipinas sa buong mundo,” ani Gregorio.
Ang seremonya, na inorganisa ng Sports Tourismo Alliance Committee at iniharap ng PSC, ay nagbigay-pugay sa mga organisasyon, atleta, lugar at institusyong malaki ang ambag sa pagsusulong ng sports tourism sa bansa.
Kinilala bilang Emerging NSA of the Year ang World Archery Philippines, habang napunta naman sa Tour of Luzon ang parangal na Domestic Event of the Year.
Itinanghal namang Event Organizers of the Year ang City of Puerto Princesa at Sunrise Events. Kinilala rin ang Puerto Princesa bilang Emerging Destination of the Year, habang nakuha ng City of Lapu-Lapu ang Destination Marketing Event of the Year.
Bilang chairperson ng National Sports Tourism Inter-Agency Committee (NST-IAC), pinuri ni Gregorio ang mga nagwagi sa patuloy na pagsusulong ng sports excellence at turismo.
“Naniniwala tayong ang pinakamalalaking tourism events sa mundo ay sports events. Napakaswerte natin dahil naniniwala si President Marcos na ang sports tourism ay estratehiya hindi lamang para isulong ang turismo kundi para paunlarin din ang grassroots sports,” ani Gregorio.
Kabilang sa mga binanggit niyang halimbawa ang katatapos na 4th Southeast Asia Open Water Swimming Championships sa Boracay, Aerobic Gymnastics Asian Championships at Tour of Luzon, na nagbigay ng dagdag na exposure sa mga lokal na atleta at destinasyon.
Samantala, kinilala bilang Media Outfit of the Year ang Duck Sports; Tour Operator of the Year ang Grand Country Tour and Travel; Charity Event of the Year ang Marriott Charity Golf; Venue of the Year ang New Clark City; at Airline of the Year ang Philippine Airlines.
Para naman sa hospitality at events, itinanghal na Hotel of the Year ang NUSTAR Resort Cebu at M.I.C.E. Event of the Year ang Sports Tourism Forum sa SMX Clark.
Binigyang-pugay rin si Charles Lim ng Sports Tourismo Alliance Committee sa kanyang pamumuno sa naturang awards mula nang itatag ito.
Ayon kay Gregorio, natatangi ang sports tourism dahil habang naglalaban ang mga atleta para sa puntos at premyo, naipakikita naman ng host country ang mga pasyalan nito sa milyun-milyong manonood sa buong mundo.
“Sa tennis, surfing, cycling, futsal, sambo at karate, pinagsasama-sama ng mga event na ito ang mga atleta, tagahanga at sports federation at kasabay nito ay naiaangat ang Pilipinas sa global sports map,” dagdag niya.
Itinanghal namang Destination of the Year ang Subic Bay Freeport Zone, habang ginawaran si beteranang sports leader Cynthia Carrion bilang Sports Personality of the Year. Kinilala rin ang Island Living Channel bilang Local TV Sports Media Outfit of the Year.
Dumalo rin sa seremonya sina SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose Alino, Clark Development Corporation President at CEO Atty. Agnes Devanadera, at Philippine Retirement Authority General Manager at CEO Roberto “Bob” Zozobrado.
Dahil sa pagho-host ng FIFA Futsal Women’s World Cup, hindi lamang naipakita ng PFF ang kakayahan ng bansa sa pag-organisa ng malalaking kompetisyon kundi nakalikha rin ito ng positibong epekto sa turismo at grassroots sports.
Nakakuha ng dagdag na negosyo ang mga hotel, restaurant at transport services dahil sa pagdagsa ng mga atleta, opisyal at tagahanga, habang nakaranas naman ng mahalagang exposure ang mga batang Filipino player sa paglalaro sa sariling bansa.
“Kapag nagho-host tayo ng ganitong kalaking event, hindi lang natin tinatanggap ang mga atleta at tagahanga. Ipinakikita natin ang ating mga destinasyon, binibigyang-inspirasyon ang kabataan at pinatitibay ang ating pambansang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng sports,” ani Gregorio.
Samantala, nakatakdang i-host ng Pilipinas ang World Surf League Championship Tour sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 10, kung saan maglalaban ang 40 pinakamahusay na surfer sa mundo.
Nakatakda rin ang Asian U19 Sepak Takraw Championships sa Nobyembre 18–25 at East Asia Baseball Cup sa Nobyembre 26 hanggang Disyembre 5. (PSC/HNT)
