MATABIL
ni John Fontanilla
HINDI na mapigil ang pagsikat ni Wilbert Ross sa dami ng proyektong ginagawa nito sa Viva.
At ngayon ay kasama ito sa pangalawa niyang international movie na The Guardian na first time siyang gaganap na kontrabida. Makakasama niya ang ilan sa mahuhusay na aktor sa bansa at mga sikat na Korean stars.
At ilan nga rito ang Hallyu star na sina Nam Woo-hyun, na vocalist ng K-pop idol at Infinite vocalist, at Park Eun-hye, na nakilala naman sa drama series na Jewel in the Palace na isa sa iconic at sikat na sikat na K Drama na ipinalabas sa bansa.
Idagdag pa riyan ang sikat na direktor sa South Korea na si Jeong Jang Hwan na nagdirehe rin sa Steel Rain at Save the Green Planet.
At bago nga ipalabas ito sa mga sinehan sa Pilipinas sa September 2, 2026 ay una itong ipalalabas sa South Korea ayon kay Wesley Villarica ng Parallax Studio, Inc. na isa sa producers ng The Guardian.
“Actually lumabas na po siya [noong] June 17 tapos we’ve also already secured international distribution through Lionsgate Pictures. So, this will be shown all over the world. Not just (South) Korea.”
At ang naging pahayag ni Wesley ay ikinagulat ni Wilbert na ‘di alam na may worldwide release pala ang kanilang pelikulang The Guardian.
Tsika nga ni Wilbert, “Ngayon ko lang nalaman ‘yan.”
Anyway, makakasama sa The Guardian ni Wilbert sina Eric Ejercito, Yassi Pressman, Jeric Raval, Joko Diaz, Ashtine Olviga, at mga Korean star na sina Nam Woo-hyun ng Infinite, Park Eun-hye, at Han Jae-seok sa direksiyon ni Jeong Jang-Hwan. Produced by Wesley Villarica (Parallax Studio Inc.) at Micah Fernandez (Robosheep Studios), mapapanood na sa cinemas nationwide sa September 2, 2026. Distributed by Viva Films.
