SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
SINELYUHAN na ang creative partnership ng MediaQuest Holdings, Inc. at ni Unkabogable Box Office Superstar Vice Ganda kahapon Miyerkoles, Agosto. 12.
Layunin ng partnership na pagsamahin ang puwersa ng media groups at ng tinaguriang “Queen of All Networks” para makapagbigay ng malaki at mas makabuluhang entertainment experiences.
Kasama ni Vice sa announcement ng collaboration na isinagawa sa The Lighthouse, Meralco Center sina MediaQuest Holdings, Inc. Chairman Manny Pangilinan at Director, President at CEO Ricky Vargas.
Sobra-sobra ang pasasalamat ni Vice Ganda sa MediaQuest sa magandang partnership nila gayundin sa tiwalang ibinigay sa kanya.
“I’m so grateful and excited to be able to unleash every ounce of creativity and hardwork and passion that still lifting my soul,” paninula ni Vice Ganda sa isinagawang pag-welcome sa kanya.
Sinabi ni Vice Ganda na bagamat madalas siyang mapanood sa telebisyon, marami pa siyang maipakikita at maibibigay.
“Ilang taon n’yo na rin akong napapanood sa telebisyon pero naniniwala pa rin ako na mayroon pa rin akong maibibigay, mayroon pa akong ibubuga at natutuwa ako na sa karagdagang mga plataporma mayroon po kayo (MediaQuest) ay magiging malaya ako at magkakaroon ng pribilehiyo na makapagbigay pa ng magandang serbisyo sa mamamayang Filipino sa pamamagitan ng kind of entertainment na ino-offer ko.
“And I’m also grateful to ABS-CBN for every learning na bitbit ko ngayon sa every experienced na mayroon ako ngayon sa lahat ng maio-offer ko na nagsimula sa kanila, sa mga karanasan ko na ibinigay ko sa kanila.
“I’m just so happy na sa mga partnership now and in the future, ABS-CBN still, will always be there to guide me and be part of every content program that I will be doing.”
Nabanggit din ni Vice Ganda ang ukol sa naging problema ng It’s Showtime noon sa TV5 nA aniya’y nasaktan siya.
Aniya, “Maraming-maraming salamat po sir MVP for allowing me to extend my talent to your audiences and masaya lang ako because we did not have a not so happy experienced in the past as we all know ‘It’s Showtime’ used to air in TV5 and then suddenly nawala.
“So it broke my heart that time. Pero ngayon nakakatuwa na siyempre ‘yung heartbreak nahi-heal, nagkakaroon ng maraming learnings at pwede pa ring makabuo ng isang magandang relationship after a heartbreak.”
Hindi naman ikinaila ng tinaguriang Queen of All Networks ni MVP na sobra siyang na-excite sa bagong proyekto sa MediaQuest na hindi lamang siya sa TV5 makikita o mapapanood. Dahil sa lawak at laki ng MediaQuest posible ring gumawa ang komedyante sa radio, digital, print, at satellite broadcast subsidiaries.
“And I’m just super excited, kagabi pa lang hindi ako makatulog, ang dami kong naiisip, ang daming content na gusto kong gawin. Hindi na naman ako mapakali at ito iyong gusto kong feeling, iyong excitement.
“Because, I started ‘Showtime’ 16 years ago, so almost everyday for the past 16 years nagtatrabaho ako. At iyon ang ikinatatakot ko, ‘yung dumating ang isang araw na hindi ako nae-excite. Parang iyon ng iyon, nagiging ordinary na ‘yung mga nagaganap. ‘Yung kahit pumikit ako kahit hindi ako maligo alam ko na ang gagawin ko.
“This partnership gives me so much excitement. Nai-ignite ko ang fire sa akin, parang kinikiliti na naman ako, kumukulo na naman ang tiyan ko, ‘yung lumalala ang acid reflux ko. Gusto ko iyong ganoong feeling, lumalala ang acid reflux ko. Na gusto ko may bagong bahay, may mga bagong tao na makakausap, may mga bagong makakatrabaho. Gusto ko iyon. Gusto ko iyong. challenge na iyon dahil naniniwala ako na iyong comfortability is the enemy of achievements. As the enemy of excellence. So gusto ko iyong hindi masyadong komportable.
“At mas masusubok ko pa kung ano pa iyong makakaya kong ibigay.”
Naibahagi rin ni Vice Ganda na matagal siyang ‘niligawan’ ng MediaQuest. Kung hindi kami nagkakamali, last year pa.
“At maraming-maraming salamat sa inyong tiwala at sa inyong tiyaga. Hindi naman nangyari overnight ang partnership na ito. I hope I make myself and everyone who is behind in this partnership really very proud.”
Samantala, ang pirmahan ay kumakatawan sa isang napakalaking alyansa ng pinakakilalang personalidad sa entertainment ng bansa at isa sa pinakamalalaking organisasyon sa media. Sa pamamagitan nito, opisyal na naitatala si Vice Ganda sa kasaysayan ng Philippine pop culture
bilang “Queen of All Networks.”
Isinasakatuparan ng kasunduan ang magkatuwang na pananaw na lumikha ng mas malalaki at mas makabuluhang proyekto para sa mga manonood sa buong mundo, gamit ang lawak at abot ng MVP Group at MediaQuest, kasabay ng impluwensiya at cultural legacy ni Vice Ganda.
Kasama rin sa si People and Business Development Ranvel Rufino.
Ang VG X MQ venture ay nagbubukas ng pambihirang mga oportunidad at daan para sa mga makabagong proyekto na tiyak na mamahalin ng mga Filipino.
Sa huli, napakaraming posibilidad ang naghihintay bunga ng makasaysayang pakikipagtulungang ito ng entertainment icon at media titan.
