SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
GAME na game ang famous vocal harmony group na The Company na makipag-collab sa itinuturing na Kings of P-pop, ang SB19.
Anila, “We’d love to work with SB19.”
Pero sa ngayon, panoorin muna natin ang collab ng The Company sa Filipino pop-rock band, ang Neocolours sa kanilang Pakisabi Na Lang, Tuloy Pa Rin! concert sa October 8, 2026, Newport Performing Arts Theater sa Pasay City handog ng Echo Jam at DMC Philippines na ididirehe ni Calvin Neria.
“Actually noong 40th anniversary namin we did come out with a song title ‘Bente’ written by Moi and Sweet, its was actually a very witty ‘p-pop’ single version. From that when people started posting it, ang daming SB 19 fans ang nagsasabing, ‘andito ako, andito ako.’
“We are open and we’d love to work with SB19,” ani Annie Quintos ng The Company.
“Matututo kayo sa amin,” susog naman ni Sweet Plantado.
“At matututo rin kami sa kanila,” pakli naman ni Moy Ortiz. “We’re also very happy that song ‘Bente’ got nominated in Awit Awards for Best Novelty Recording category. So we’re very hopeful that something that meant to be taken seriously.
“But you know what, with anything, with any genre, we are open as long as mabait iyong artista. We’ve done…during the time na nag-hit iyong mga hard rock, we did a collab with Orient Pearl, Boom Dayupay…so we’re open to anyone,” sabi pa ni Moy.
Gusto ring maka-collab ng grupo si Gary Valenciano.
Sa kabilang banda, mula noon hanggang ngayon klik pa rin ang The Company gayundin ang Neocolours na hindi rin naman nawala sa music industry. Sabi nga nina Jimmy Antiporda at Ito Rapadas, hindi nila iniwan ang industriya. Hindi sila na-disband. Aktibo pa rin sila bilang TV at concert music directors, record producers, at executives, session artists, at arrangers.
Si Jimmy ay mayroong sariling kompanya, ang JAM Creations Corporation na involved sa music production para sa television at radio commercials, album recordings, at events. Si Ito naman ay ang konektado sa Universal Records.
Ibinuking naman ni Ito na matagal na nilang napag-uusapan ang pagsasama ng kani-kanilang grupo sa isang concert, ngunit paulit-ulit itong hindi natutuloy dahil sa kani-kanilang iskedyul at mga indibidwal na karera.
“Matagal na (collab), hindi lang talaga nagtutugma-tugma ang mga iskedyul,” ani Ito.
“Ngayon, 2026, sabi ko, puwede na talaga,” dagdag pa ng bokalista ng grupong Neocolours..
Sinabi naman ni Jimmy na ang pagsasama ng kanilang grupo sa isang concert ay isang kapana-panabik. At nakita agad niya ang potensiyal ng kanilang kolaborasyon dahil ang mga vocal arrangement ng The Company ay bagay na bagay sa instrumental-driven na tunog ng Neocolours.
“They’re a vocal group. They have original songs. Kami, we’re instrumentalists, one singer. ‘Pag pinag-combine mo ’yun, busog ‘yung tunog,” ani Jimmy.
“And that’s our goal. Busugin sila ng musika namin. And they go home satisfied sila,” dagdag pa ng keyboards/vocals ng Neocolours.
Iginit naman ni Sweet ng The Company na ang nalalapit na konsiyerto ay hindi lamang ukol sa pagpapakita ng husay sa pagkanta at pagtugtog, kundi tungkol din sa pagbibigay sa mga manonood ng isang kompletong karanasan sa entertainment.
“Itong mga grupong ito, ‘yung generation ng entertainers na ito, after you watch the show, for sure, you will be entertained,” positibong sabi ni Sweet.
Binigyang-diin niya na bagama’t maraming mahuhusay na musikero, artists, at mang-aawit sa industriya, ibang uri ng koneksiyon sa audience ang kinakailangan para maging isang tunay na entertainer.
“At the end of the day, ang trabaho rin namin is to entertain you, to make you feel something, to leave something behind,” aniya.
Umaasa si Sweet na aalis ang mga manonood na may pakiramdam na sulit ang kanilang oras at perang ginugol sa konsiyerto.
“We aim to entertain talaga and to make you feel good every time we’re on stage. Malaki, maliit,” sabi pa.
Sa pagsasamang ito tiyak na mapupuno ng nostalgia, magagandang awitin, magagandang tugtugan, at live entertainment ang concert.
At kahit ilang dekada nang nasa industriya ang The Company at Neocolours ang Pakisabi Na Lang, Tuloy Pa Rin!ay nakatakdang ipagdiwang hindi lamang ang kanilang mga minamahal na awitin kundi pati na rin ang kanilang mahabang pananatili sa patuloy na nagbabagong mundo ng OPM.
