SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MAGBUBUKAD na ang telon para sa isa na namang panalongkaranasan mula sa Puregold–sa pagkakataong ito, ilalapit ang mundo ng teatrong Pinoy sa mga talentadong artista’t manlilikha, at sa mga Filipinong nararapat lamang na matunghayan ang teatro.
Bilang pagpapalawak ng layuning itaguyod ang pagkamalikhain ng mga Filipino, ipinagmamalaking ihayag ng Puregold ang pagbubukas ng Teatro Panalo, isang pista ng teatro na layuning makadiskubre, mapaunlad, at maitanghal sa entablado ang mga bago at mahuhusay na dula at musikal na may isang yugto, na gawa ng mga Filipinong mandudula.
Kasama ang Wishbone Collective, Inc. bilang producerat tagapagtatag, ipinepresenta ng Puregold ang incubation theater festival na ito, isang plataporma na ang mga orihinal na gawa, mula iskrip, ay maaaring maitanghal sa entablado nang may dramaturgical support, suporta sa mga kakailanganin sa produksiyon, at kasiguraduhan na magkakaroon ng audience engagemento pagtangkilik mula sa mga manonood.
Labindalawang (12) orihinal na gawa–walong (8) straight playo dula at apat (4) na musikal na gawa–ang mapipili upang makatanggap ng buong produksiyon bilang bahagi ng festival, at ang bawat mandudula ay makatatanggap ng P100,000.
Matapos ang festival, isang dula at isang musikal ang makatatanggap ng mga full-length development grant,oportunidad na lalo pang umunlad ang sining ng mga likha, at komersiyal na produksiyon kalaunan.
Para sa Puregold, sinasalamin ng Teatro Panalo ang patuloy na paniniwala ng kompanya na ang makabuluhang mga karanasan ay dapat abot-kamay ng karamihan, dahil ito ay tunay na karanasang panalo.
“Palaging nariyan ang Puregold sa pang-araw-araw na buhay ng mga Filipino,” sabi ni Ivy Hayagan-Piedad, Senior Marketing Manager ng Puregold. “Sa pamamagitan ng Teatro Panalo, hangad naming manatiling nariyan pa rin, sa isa pang mas makabuluhang paraan, sa pamamagitan ng paglikha ng mga espasyo na maaaring magsama-sama ang mga tao, magpalitan ng mga idea, at makitang buhay ang kasiningan ng mga Filipino sa entablado .”
Sinabi pa ni Hayagan, ang inisyatibang ito ay nakaugat sa pag-unawa ng Puregold na ang paglilingkod ay higit pa sa pagpapasa ng impormasyon.
“Hindi limitado ang paglilingkod sa komunidad sa loob ng aming mga tindahan. Kabilang din dito ang pakikinig sa kung ano ba ang mahalaga sa mga tao, at pagsuporta ng mga karanasan na nakatutulong para maramdaman nilang sila ay nakikita, nakauugnay, at may representasyong tunay na kumakatawan sa kanila .”
Binigyang-diin ng direktor ng festival na si Vincent de Jesus na ang Teatro Panalo ay tungkol sa pangangalaga sa mga artista, at paghahanap ng bagong mahusay na materyal.
“Ang hinahanap namin ay mga awtentiko at bagong boses at perspektiba, at mga kuwento na dapat na makita sa entablado,” sabi niya.
“Idinisenyo ang festival para tulungan ang mga mandudula na makita ang buong potensiyal ng kanilang mga likha sa pamamagitan ng kolaborasyon sa mga taga-industriya ng teatro, habang binibigyan din ang mga manonood ng oportunidad na matunghayan ang mga kapana-panabik at bagong kuwentong Pinoy,” dagdag pa.
Opisyal nang nagbukas ang pagsusumite sa mga bago at propesyonal na mandudulang Filipino edad 18 pataas sa panahon ng aplikasyon. Maaaring nakasulat sa Filipino o Ingles ang mga entry, at dapat itong orihinal na mga dulang may isang-yugto, maaaring straight playo musikal. Hindi tatanggapin ang mga adaptasyon, pagsasalin, o mga nilikha gamit ang AI. Tumatanggap ang festival ng mga isusumiteng likha mula sa kahit anong genre, na may kahit anong estilo o anyong teatro, kung ito ay orihinal at nilikha para sa 35 hanggang 40 minutong pagtatanghal sa entablado.
Maaaring magsumite ang mga interesadong aplikante hanggang 11.59. p.m. Setyembre 11, 2026. Kinakailangang magpasa ng kompletong iskrip ng dulang may isang yugto, synopsis, logline, development vision, mga dokumentong susuporta sa submission, at para sa mga musikal, mga demo recording.
Iaanunsyo ang paunang listahan ng 16 na dula at walong (8) musika sa Oktubre 6. Iimbitahan ang mga kabilang sa shortlist na ipresenta ang kanilang mga gawa sa Selection Committee sa Oktubre 14 hanggang 16, at ang pinal na listahan ng walong (8) dula at apat (4) na musikal ay iaanunsyo sa Oktubre 16.
Lalahok ang mga mapipiling mandudula sa propesyonal na incubation program ng Wishbone, na magkakaroon ng dramaturgical guidance, suporta sa produksyon, at oportunidad na maitanghal ang gawa sa mga manonood sa kauna-unahang festival, na kasalukuyang nakatada sa Pebrero hanggang Marso 2027.
Dagdag pa ni De Jesus, “Hinuhubog ng mga orihinal na kuwento ang mga komunidad, sinasalamin ang mga henerasyon, at nagtutulak ng pagbabago. Sa Puregold Teatro Panalo, maaaring madiskubre ang susunod na magaling na mandudulang Filipino. Iniimbitahan ng Puregol ang mga mandudula sa bansa na dalhin ang kanilang mga naratibo sa entablado.”
Mababasa ang kompletong festival mechanics, mga kailangan sa pagsali, at detalye ng aplikasyon sa opisyal na submission form ng Puregold Teatro Panalo: https://bit.ly/PGTeatroPanalo.
