Pinoy duo kampeon; isa pang tandem tanso sa 10th Aero Gymnastics Asian Meet

Rhimel Daniel Cabides Antonette Amante

IPINAMALAS nina Rhimel Daniel Cabides (kanan) at Antonette Amante ang kanilang world-class na husay upang masungkit ang gintong medalya sa Youth Mixed Pairs event ng 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships na inihahandog ng Philippine Sports Commission sa Tagaytay CT Velodrome sa Tagaytay City. (GAP photo)

TAGAYTAY CITY — Mula sa pagiging mga baguhan sa international stage, agad na nagningning ang dalawang batang tambalang Pilipino matapos sumungkit ng isang gintong medalya at isang tanso sa Youth Mixed Pairs event ng 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships na inihahandog ng Philippine Sports Commission nitong Huwebes sa Tagaytay CT Velodrome.

Pinangunahan nina Rhimel Daniel Cabides at Antonette Amante, kapwa namukod-tangi sa nakaraang Palarong Pambansa sa Prosperidad, Agusan del Sur, ang panalo ng Pilipinas matapos magpakitang-gilas sa kanilang makisig at eleganteng pagtatanghal upang makuha ang gintong medalya sa iskor na 17.80 puntos.

Nagdagdag naman ng tansong medalya ang tambalan nina Rhys Enoch Balmayor at John Mikaela Ladaran ng General Santos City matapos pumangatlo sa iskor na 17.150 puntos sa torneo na suportado ng Philippine Olympic Committee at Philippine Amusement and Gaming Corporation.

Kapwa naging matagumpay ang kanilang unang pagsabak sa international competition na inorganisa ng Gymnastics Association of the Philippines at pinangasiwaan ng Asian Gymnastics Union.

“Napatunayan namin na maaari kaming makipagsabayan sa international,” ani Amante, isang three-time Palarong Pambansa gold medalist na tulad ni Cabides ay 14-anyos at Grade 8 student ng Teodoro Alonzo High School.

“Masarap marinig ang pagtugtog ng pambansang awit ng Pilipinas,” dagdag pa ng batang atleta habang katabi ang masayang si Cabides.

Hindi rin maitago ni Ladaran, 11-anyos, ang kanyang emosyon matapos makasungkit ng tansong medalya.

“Parang panaginip lang ito. Hindi talaga namin inaasahan,” ani Ladaran matapos makasama sa podium ang tambalang nakabase sa Maynila.

Ipinahayag naman ni coach at dating national team athlete Carlo Joshua Tangonan ang kanyang pagmamalaki sa dalawang tambalan.

“Napakalaki ng ipinagmamalaki ko sa kanila. Hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan at training kaya sobrang saya ko sa naging resulta,” ani Tangonan.

“Pinasasalamatan din namin ang Gymnastics Association of the Philippines sa pagkakataong maipakita ng aming mga junior athletes ang kanilang husay laban sa pinakamahusay na gymnasts sa Asya,” dagdag ni Tangonan, na nagwagi rin ng bronze medal sa mixed pairs event kasama si Charmaine Dolar sa 32nd Cambodia Southeast Asian Games.

Unang nagtanghal sa anim na finalists sina Cabides at Amante at agad na naglatag ng mataas na pamantayan sa kanilang 17.80 puntos, batay sa pinagsamang marka sa difficulty, execution at artistry.

Nagmistulang napakahaba ng paghihintay ng Pinoy duo habang isa-isang nagtanghal ang mga natitirang pares.

Pinakamalapit sa kanilang iskor ang tambalan ng Vietnam na sina Ann Thinh Tran at Ngoc Gia Nguyen, na nagtala rin ng 17.80 puntos, ngunit kinailangang makuntento sa silver medal matapos malamangan sa execution score, 7.50 ng Pilipinas laban sa 7.450 ng Vietnam.

Nang tuluyang lumabas sa giant screen ang opisyal na resulta at makumpirmang gintong medalya ang napunta sa Pilipinas, sumabog sa palakpakan ang buong arena habang hindi napigilan nina Cabides at Amante ang mapaluha sa labis na kagalakan. (PSC/HNT)