Sa Legazpi City
Boarding house nasunog 2 Maritime student patay
ISINUGOD sa ospitalperoidineklarang dead on arrival (DOA)ang dalawang estudyante habang isa pa ang sugatan nang ma-trap sa nasusunog na boarding house sa Purok 1, Sitio Pag-asa, Barangay Rawis, Legazpi City, Albay kamakalawa ng madaling araw.
Isinugod sa Legazpi City Hospital ang walang malay na mga biktimang sina Jer, residente sa Barangay Tablak, Matnog, Sorsogon at Willy, taga-Masbate City, Masbate pero kapwa ideneklarang dead on arrival.
May pinsalang 2nd degree burn at ilang sugat sa katawan ang mga biktima. Nilapatan naman nang lunas ang sugatan na si Jan, 18 anyos, residente sa Brgy. Rawis, Libon, Albay. Lahat sila ay estudyante ng kalapit na Mariners Polytechnic Colleges Foundation – Legazpi City.
Sa ulat, dakong 1:48 ng madaling araw nang biglang magliyab ang katabing law office na ikinasunog ng tatlong kotseng nakaparada sa tabi nito.
Agad na kumalat ang apoy hanggang madamay ang tinutuluyang boarding house, habang ang mga estudyante ay nasa kasarapan ng kanilang tulog.
Sinabi ni Fire Senior Inspector Mark Kevin Marqueses, mabilis silang nakapagresponde makaraang matanggap ang tawag dakong 2:26 ng madaling araw hanggang maideklarang fire out bago mag-3:00 ng madaling araw.
Sa retrieval operation, natagpuan ang mga biktima sa loob ng nasunog na bahay na walang malay at agarang isinugod sa pagamutan, pero idineklarang kapwa patay.
Koryente ang tinitingnang naging sanhi ng sunog.