Sa lalawigan ng Leyte
Septuagenarian todas sa atake ng mga bubuyog
NATAGPUANG wala nang buhay ang isang 77-anyos lalaking senior citizen sa Barangay Ma-asin, sa bayan ng Hindang, lalawigan ng Leyte, nitong Martes ng hapon, 27 Hulyo, sinabing inatake ng mga bubuyog.
Kinilalala ang biktimang si alyas Nor, 77 anyos, residente sa nabanggit na barangay.
Sa paunang imbestigasyong isinagawa ng mga awtoridad, nabatid na umakyat ng bundok ang biktima upang manghuli ng ibon noong Linggo ng umaga, 26 Hulyo, kasama ang isang lalaki.
Sa kasamaang palad, parehong inatake at pinagkakagat ng mga bubuyog na tinatawag ng mga lokal na “putyukan” ang dalawa.
Bagaman nakatakbo papalayo sa lugar ang dalawa, naiwan ang senior citizen habang ligtas na nakauwi sa bahay ang kaniyang kasama.
Nang puntahan ng isa pang lalaki ang lugar upang hanapin ang biktima, natagpuan siyang wala nang buhay at tadtad ng mga kagat ng bubuyog sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Iniulat ng mga residente ang insidente sa pulisya at nagresponde ang mga tauhan ng Hindang MPS sa lugar ng pinangyarihan.
Nagawa pang madala sa Rural Health Unit (RHU) ng Hindang ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Nagsagawa ng agarang post-mortem examination upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Tuluyang naiuwi ng kaniyang pamilya ang labi ng biktima nang walang makitang foul play sa kaniyang pagkamatay.