Kaltas sa sahod inalmahan
Caretaker binoga babaeng amo matapos siyang martilyohin
HUMANTONG sa kamatayan ng isang 32-anyos land lady ang pagtatalo nila ng kanyang caretaker dahil sa pagkaltas sa suweldo ng huli sa Barangay Pinagkawitan, Lipa City, Batangas nitong Lunes ng gabi, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang napaslang na biktima na si Rhenz Elieth Barette Bruzon, natagpuang may mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na kanyang ikinamatay.
Kinilala ang suspek na katiwala ng ginang sa pag-aari nitong bahay sa pangalang Leo, 42 anyos, nahaharap sa kasong homicide.
Sa imbestigasyon, kinompronta ng katiwala ang amo dahil sa maliit nitong suweldo na kinaltasan pa dahil sa kaniyang pagliban sa trabaho kahit nag-abisong may mabigat siyang dahilan sa isyu ng kaniyang pamilya.
Dito nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng among babae at katiwala hanggang kumuha ng martilyo ang una at pinukpok ang huli na tinamaan sa katawan.
Sa matinding galit, kinuha ng caretaker ang baril na pag-aari ng asawa ng ginang saka pinagbabaril ang amo.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima, pero idineklarang dead on arrival.
Nasakote ng mga awtoridad ang suspek sa follow-up operation at nakompiska ang isang kalibre .45 pistol na may dalawang magazine at mga bala.