Sahara Bernales mula VMX tungo Reina Filipinas
ni Allan Sancon
ISA si Sahara Bernales sa mga artistang patuloy na gumagawa ng ingay matapos siyang makapasok sa Reina Filipinas, isang prestihiyosong beauty pageant sa bansa.
Habang naghahanda siya para sa pagho-host ng pinakabagong VMX anthology na Todo Kayod 2, isa rin pala siyang beauty queen aspirant na tahimik na tinutupad ang kanyang pangarap.
Ngayon, bukod sa pagiging aktres at host, isa na rin siyang inspirasyon sa mga kapwa VMX artists na nangangarap makapasok sa mundo ng pageantry.
Ikinuwento ni Direk Roman Perez Jr. na kasabay ng paggawa nila ng Todo Kayod 2 ay dumaraan pa lamang noon si Sahara sa audition para sa Reina Filipinas. Hindi aniya nila inaasahan na makapapasok ito sa kompetisyon, kaya labis ang kanyang tuwa nang lumabas ang opisyal na listahan ng mga kandidata. Ayon sa beteranong direktor, malaking tagumpay ito hindi lamang para kay Sahara kundi para sa buong VMX family.
“Noong ginagawa namin ang ‘Todo Kayod 2,’ nag-a-audition pa lang si Sahara sa Reina Filipinas. Masaya ako at proud ako na nakapasok siya,” ani Direk Roman.
Dagdag pa niya, “Si Sahara ang nagbukas sa mga VMX artists na makapasok sa mga prestigious beauty contest katulad nga ng Reina Filipinas.”
Naniniwala ang direktor na ipinakita ni Sahara na kayang pagsabayin ang pagiging VMX artist at ang paglahok sa mga respetadong beauty pageant.
Hindi rin maikakaila na kakaiba ang kuwento ng buhay ni Sahara. Siya ay one-fourth Aeta at lumaki sa isang pamilyang may LGBTQIA+ parents. Ang kanyang ama na si Lawrence Manatiga ay isang 53-anyos na dating transgender woman, habang ang kanyang ina ay kinikilalang lesbian/bisexual.
Mula naman sa panig ng kanyang ina sa Pampanga nagmula ang kanyang dugong Aeta—isang pinagmulan na buong pagmamalaki niyang kinakatawan.
Sa Todo Kayod 2, magsisilbing host si Sahara kasama si Alecca Adarna, na siyang magpapakilala sa mga manonood ng magkakaibang kuwentong umiikot sa iba’t ibang propesyon, tukso, pag-ibig, at mga lihim na relasyon. Tampok sa anthology ang mga segment na Sawsawan, Kalakal, Check In, Sulutan, at Lamas, na pawang idinirehe ni Direk Roman.
Nagpahayag si Alecca ng pananabik sa bagong anthology. “Hindi lang ito puro init ng eksena. May iba’t ibang kuwento at emosyon na siguradong makaeengganyo sa mga manonood. Excited kaming maibahagi ang bawat episode,” saad ng aktres at host.
Sa pagpasok ni Sahara sa Reina Filipinas, lalo pang tumitibay ang paniniwalang kayang lampasan ng isang VMX artist ang mga nakasanayang stereotype. Habang inaabangan ang kanyang laban sa beauty pageant, tiyak ding aabangan ng marami ang kanyang pagho-host sa Todo Kayod 2, na inaasahang magiging isa na namang pinag-uusapang handog ng VMX ngayong taon.