Lord of Soap Mannix Carancho ipinakilala 72 alagang sikat sa Tiktok
MATABIL
ni John Fontanilla
IPINAKILALA ng CEO & President ng Prestige International na si Mannix Carancho sa kanyang Mannix Carancho Management ang 72 talents na susunod sa yapak ng kanyang sikat na alaga na si Fyang Smith.
Karamihan ng mga bagong alaga ni Mannix ay sikat sa social media lalong-lalo na sa Tiktok.
Mula nga sa pagiging sikat na online content creator ay huhubugin ang mga ito ni Mannix para maging mahuhusay na performers para sa mas malawak na karera sa industriya ng entertainment.
Sa pamamagitan ng Mannix Management, ang kanilang mga talent ay sumasailalim sa pagsasanay at binibigyan ng mga oportunidad sa pag-arte, pagho-host, pag-awit, at pagsasayaw, bukod pa sa content creation at digital media.
Kabilang sa mga pinakakilalang artista ng ahensiya si Fyang, isa sa mga breakout stars ng Mannix Management. Kamakailan, ipinagtanggol ni Carancho si Smith laban sa mga puna na nagsasabing nagbago ito dahil sa kasikatan.
Binigyang-diin niya na nananatiling mapagpakumbaba at mabait si Fyang sa kanyang propesyon.
Ayon pa kay Mannix, higit pa sa paglikha ng mga social media personalities ang kanyang layunin.
Gusto nitong tulungan ang kanyang mga talent na maabot ang kani-kanilang pangarap na makilala at sumikat sa mundo ng showbiz katulad ni Fyang.
