Pelikulang “#Uploading” kaabang-abang at napapanahon
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAPAPANAHON ang bagong pelikulang “#Uploading”
na tinatampukan ng mga personalities mula sa sikat na Bahay ni Kuya. Nagsama-sama ang ilan sa mga kilalang housemates ni Kuya, mula sa magkakaibang edisyon.
Magkakasama sa unang pagkakataon sina Zeus Collins, Dawn Chang, Aljon Mendoza, Eliza Borromeo at Dylan Yturalde. Kasama rin ang kapapanalo pa lang na New Male Recording Artist ng PMPC Star Awards for Music na si Dwayne Garcia mula sa Starmusic.
Tampok din sa #Uploading sina Irma Adlawan, Dennis Padilla, Arlene Muhlach at ang pinakamasungit na tindera sa balat ng social media na si Bernie Batin.
Tungkol sa pangarap at pagsubok sa buhay ang pelikulang ito na ipalalabas sa mga eskuwelahan at piling sinehan na siguradong kapupulutan ng mga aral.
Ang #Uploading ay mula sa Red Concept Events Management Services sa kanilang unang handog, sa direksiyon ni Joven Tan.
Sa panayam namin sa talented na bagets na si Dwayne, ito ang kanyang ibinahagi. “Lead support po ako rito sa movie, basically sa story po, umiikot po ito sa three main characters which is sina Eliza, Kuya Dylan, and Kuya Aljon. Kumbaga, ako po iyong parang love interest ni Eliza.”
Paano niya ide-describe ang kanilang movie? “Isa po itong light-drama, na parang standing up for bullying ang being yourself po. Yes po, isa itong advocacy movie,” sambit pa ni Dwayne.
Nagsimula ang showbiz career ni Dwayne noong siya ay 9 years old pa lang, ngunit natigil ito nang nagkaroon ng pandemic. Bale, noong 2024 siya nagbalik-showbiz.
Ayon pa sa kanya, mas gusto niya ang takbo ng kanyang showbiz career ngayon, kaysa noong nagsisimula pa lamang siya.
Aniya, “For me yes po, kasi now, mas matured po ako at mas marami akong nakikilalang ka-age ko, pati na mga veterans. Na tinutulungan po nila ako sa experience… acting wise, they’re giving me advise po. And na-meet ko po si Direk Joven, binibigyan niya ako ng advise at ginawan niya po ako ng two singles.”
Si Dwayne ay 16 years old, Grade 10 sa UST Angelicum, at dream niyang maging isang piloto someday.
