Mag-inang Yanson ng Ceres bus, sinampahan ng kasong perjury at falsification

NAGSAMPA ng mga kasong perjury at falsification ang 78-anyos retiradong executive ng Yanson Group of Bus Companies (YGBC) laban kina Olivia Yanson at anak nitong si Leo Rey Yanson dahil umano sa mga maling sinumpaang pahayag sa mga dokumentong naging batayan sa pagsasampa ng kasong carnapping laban sa kanya, na kalaunan ay ibinasura ng korte at nauwi sa kanyang pagkakaabsuwelto.
Pinangunahan ni human rights lawyer Atty. Dino de Leon ang paghahain ni Antonio “Tony” Zerna ng reklamong perjury at falsification laban kay Olivia Yanson sa Office of the City Prosecutor sa Bacolod City kahapon, 9 Hulyo.
Nauna nang naghain si De Leon noong 3 Hulyo ng reklamong falsification of private document laban kay Leo Rey Yanson sa Office of the City Prosecutor sa Batangas City.
Ayon kay De Leon, layunin ng mga kaso na papanagutin ang mga umano’y gumawa at lumagda sa mga dokumentong may maling pahayag na naging daan upang maisampa at maituloy ang kasong carnapping laban kay Zerna.
Unang inaresto si Zerna noong 2020 matapos siyang kasuhan ng carnapping sa Office of the City Prosecutor sa Tanjay City, Negros Oriental, ngunit kalaunan ay ibinasura ang kaso dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon.
Noong Marso 2022, muli siyang kinasuhan ng carnapping sa Batangas City. Habang dinidinig ang kaso, pumanaw noong Setyembre 2023 ang kabiyak na mahigit 50 taon niyang nakasama matapos dumanas ng matinding stress dulot ng kasong isinampa laban sa kanyang asawa.
Sa reklamo laban kay Leo Rey, kinuwestiyon ang Certification na may petsang 8 Pebrero 2021 na sinabing walang awtoridad si Zerna na gamitin o hawakan ang Toyota Fortuner na nakatalaga sa kanya bilang sasakyan habang naglilingkod sa Yanson Group.
Samantala, ang reklamo laban kay Olivia ay tumutukoy sa Secretary’s Certificate na nagbigay ng awtoridad sa pagsasampa ng kasong carnapping laban kay Zerna, gayundin sa mga General Information Sheet (GIS) na inihain nito bilang Corporate Secretary na umano’y nagbago ang komposisyon ng Board of Directors at mga stockholder ng Ceres Transport Inc. (CTI). Ang mga dokumentong ito umano ang ginamit upang patunayang may corporate authority sa paghahain ng kaso.
Ipinaliwanag ni De Leon na sa reklamong perjury at falsification, inaakusahan si Olivia na maling nanumpa na siya ang lehitimong Corporate Secretary ng CTI; na nagkaroon ng espesyal na pulong ang Board of Directors na sinabing may quorum; at inaprobahan ng board ang pagsasampa ng kasong carnapping laban kay Zerna.
Ayon sa abogado, naging mahalagang ebidensiya ang mga dokumentong ito sa pagsasampa at pag-usad ng kasong carnapping.
Noong Nobyembre 2023, pinawalang-sala si Zerna ng korte nang mabigong patunayan ng prosekusyon ang kaso laban sa kanya. Kinilala rin ng hukuman ang umiiral na sigalot sa loob ng CTI at sinabi na hawak ni Zerna ang sasakyan na may “color of authority” o legal na batayan.
Nagsimula si Zerna sa Yanson Group noong 1969 at kalaunan ay naging General Manager ng operasyon nito sa Mindanao. Naging malapit siyang katuwang ng yumaong Ricardo Yanson, Sr. at nagpatuloy sa pagtulong sa operasyon ng kompanya kahit namayapa na ang matandang Yanson.
Kabilang sa Yanson Group ang Vallacar Transit Inc., Mindanao Star Bus Transport Inc., Bachelor Express Inc., Southern Star Bus Transit Inc., Gold Star Bus Transit Inc., Rural Transit Inc., at Ceres Transport Inc.
“Sa loob ng maraming dekada, tapat na naglingkod si Ginoong Zerna sa Yanson Group, ngunit nauwi sa pagsasampa ng kasong kriminal sa kanya. Kalaunan ay pinawalang-sala siya ng korte. Nararapat lamang na managot ang sinumang gumawa ng mga maling sinumpaang salaysay na naging batayan ng hindi makatarungang pag-usig laban sa kanya,” ani De Leon.
Ayon sa abogado, layunin ng mga reklamo na matukoy kung ang mga sinasabing maling pahayag sa Certification at Secretary’s Certificate ay bumubuo ng kasong perjury at falsification sa ilalim ng batas.
Dagdag ni De Leon, hangad din ng mga kaso na makamit ni Zerna ang hustisya matapos siyang maaresto nang dalawang beses, makulong nang 24 oras, at maparatangang kriminal bago tuluyang mapawalang-sala.
“Maraming taon ang nawala kay Ginoong Zerna sa pagtatanggol sa sarili laban sa kasong kalaunan ay ibinasura ng korte. Hindi na mababawi ang nangyari, ngunit may proseso ang batas upang alamin kung dapat din managot ang mga gumawa ng umano’y maling sinumpaang pahayag,” pagtatapos ni De Leon. (NIÑO ACLAN)
