Constitutional law expert: Pahayag ni VP Sara vs PBBM malinaw na grave threats
KOMBINSIDO ang constitutional law expert na si Atty. Domingo Cayosa na malinaw na grave threats ang marahas na pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sa isang press conference noong Nobyembre 2024.
Sa impeachment trial ni Duterte noong Martes, iprinisinta ng prosecution ang video ng kanyang mga pahayag na naglalaman ng pagbabanta laban kay PBBM at dalawa pang indibidwal bilang bahagi ng kanilang ebidensiya.
Iprinisinta rin ng prosecution ang iba pang panayam na nagpahayag si Duterte ng intensiyong saktan ang Pangulo.
Sa isang panayam, sinabi ni Cayosa na ang mga pahayag ni Duterte ay nagdudulot ng seryosong pagdududa sa kanyang karakter at integridad bilang isang opisyal ng pamahalaan.
Iginiit ni Cayosa na dapat personal na ipaliwanag ni Duterte ang kanyang kalagayan ng pag-iisip nang gawin ang pagbabanta laban sa Pangulo.
Ayon sa kanya, ang isang opisyal ng gobyerno na nagbabanta sa buhay ng ibang tao habang nasa panunungkulan ay hindi na karapat-dapat manatili sa puwesto bilang bise presidente.
Dagdag pa niya, hindi maaaring itanggi o maliitin ni Duterte ang kanyang mga pahayag, lalo’t bahagi na ang mga ito ng pampublikong rekord.
Sinabi rin ni Cayosa na hindi maaaring igiit ng bise presidente na nagbibiro lamang siya, dahil siya mismo ang nagsabing ang kanyang mga pahayag ay “hindi biro.”
Ipinaliwanag ni Cayosa na lalong mabigat ang umano’y pagbabanta ni Duterte dahil, ayon sa itinakdang constitutional line of succession, siya ang hahalili sa pagkapangulo sakaling mapatay ang Pangulo.
