VMX star Angel Castro pabalik-balik pananakit at ilang problema sa paningin
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAPILITANG palang palitan ng VMX star na si Angel Castro ang ginagamit niyang screen name na Claire Castro dahil nagkakaroon ng kalituhan.
Sa mediacon ng pelikulang pinagbibidahan niya, ang Bagong Tukso 2 na idinirehe ni Rodante Pajemna Jr. at pinagbibidahan din nina Shalanie De Vera, Shannon Sizon, Akira Takamura, at Kim Yashii na mapapanood na sa July 14, 2026 nasabi ni Angel na nagkakaroon ng kalituhan sa kanila ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro.
Kaya naman masakit man na palitan ang ginagamit na pangalan, pinili niyang palitan ito ng Angel Castro para maiwasan na ang pagkalito.
“Kapag ginoogle niyo kasi ang Claire Castro, iba na lalabas,” aniya.
Kaya para matiyak na hindi malulunod sa dami ng impormasyon online ang mga proyekto niya opisyal na pinalitan niya ang pangalan.
Ginamit niya ang kanyang tunay na unang pangalan na Angelica noong lumipat siya sa Viva Artists Agency at sa adult streaming platform na VMX.
Sinabi ni Ange, na anak ng mga dating bituin noong dekada ’90 na sina Diego Castro III at Raven Villanueva na kapag hinahanap ng mga tao ang pangalang “Claire Castro,” madalas na lumalabas sa mga resulta ng paghahanap ang isang opisyal ng gobyerno.
Sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang tunay na palayaw na “Angel,” nais niyang bumuo ng natatanging pagkakakilanlan para sa kanyang pagbabalik sa showbiz at sa kanyang mga bagong mapangahas na papel.
Samantala, muntik na pala siyang mabulag dahil sa komplikasyon sa lash extension. Nagkaroon siya ng corneal abrasion.
“Hindi maganda pagkakabit. For awareness, plastic ‘yung ginamit sa akin na lashes, idinikit using bonding glue.
“Nakatulog ako. Pagkagising ko sobrang hapdi ng mata ko. Burning pain. It is really painful. I went to an eye doctor nagpasundo ako sa friend ko. Iyak ako nang iyak. Sa X-ray, may scratch po sa pupil. Nilagyan nila steroids,” pagbabahagi ni Angel.
Bagamat bumuti na ang kanyang kalagayan ngayon, sinabi ni Angel na nakararanas pa rin siya ng pabalik-balik na pananakit at ilang problema sa paningin.
“Some days okay mata ko. Some days babalik [ang sakit]. Especially in the morning when I wake up — feeling ko masusunog mata ko.
“Muntik ako mabulag. May days gigising ako sobrang hapdi ng mata ko,” paliwanag ng sexy actress.
“Every time may light sa mata ko it is very painful. So sometimes, I do not know where to look,” sabi pa ni Angel.
Iyon pala ang dahilan kaya nagtataka kami na hindi niya tinitingnan ang nagtatanong sa kanya during the presscon proper.
Inirekomenda ng mga doktor ang operasyon, ngunit hindi pa siya sumasailalim dito dahil sa iba pang mga isyu sa kalusugan.
“May remedy, may down time. I need to avoid light for three months if I get the operation. I took tests but I can’t get it ‘pag mataas uric acid ko.
“Sabi lang if may issues with my kidney I can’t proceed pa. Super busy ko rin. Kung maagapan kidney ko pwede na ako pa-opera. Pababain uric acid ko muna,” dagdag pang paliwanag ni Angel.
