Mga dayuhang koponan, susubok sa husay ng Pinoy spikers sa SSL National Invitationals
MAGSISILBING malaking hamon sa mga lokal na volleyball player ang pagdating ng mga dayuhang koponan sa gaganaping 2026 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals.
Ayon kay ACES president Dr. Ian Laurel, inimbitahan nila ang mga koponan mula sa Estados Unidos, Guam, Australia at Vietnam upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy spikers na masukat ang kanilang kakayahan laban sa internasyonal na kompetisyon.
Pangungunahan ng California-based Perfect Set Dream Makers at Guam-based Pacific Volleyball Academy ang mga dayuhang kalahok sa juniors division. Makakatapat nila ang University of Santo Tomas, Pusong Azul, St. John’s University, Arellano University at One La Salle.
Sa collegiate division naman, sasabak ang Ho Chi Minh Volleyball Club ng Vietnam at Southern Storm Melbourne ng Australia laban sa Enderun Colleges, UST, Letran College at College of Saint Benilde.
Idaraos ang juniors division mula Hulyo 11 hanggang 18 sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan, habang gaganapin ang collegiate division mula Hulyo 19 hanggang 26 sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
“Nais naming mabigyan ang ating mga manlalaro ng pagkakataong maranasan at masukat ang kanilang kakayahan laban sa mga dayuhang koponan,” pahayag ni Laurel sa Philippine Sportswriters Association Forum na ginanap sa media room ng Philippine Sports Commission sa Rizal Memorial Sports Complex.
Dagdag ni Laurel, hindi lamang kompetisyon ang habol ng mga dayuhang manlalaro kundi maging ang posibilidad na makakuha ng athletic scholarship sa mga unibersidad sa Pilipinas.
“Alam nila kung gaano kasikat ang volleyball sa bansa kaya interesado silang makalaro rito,” ani Laurel.
Ayon pa sa kanya, maraming Filipino-American players ang nais ding makapag-aral sa Pilipinas kaya nakatakdang bumisita ang mga ito sa iba’t ibang unibersidad habang narito sa bansa.
Ibinunyag ni Laurel na karamihan sa mga manlalaro ng Perfect Set Dream Makers ay mga Filipino-American, habang binubuo naman ng mga Guamanian at Filipino-Guamanian ang Pacific Volleyball Academy.
Naghanda rin ang mga organizer ng iba’t ibang tourism activities upang mas lalo pang makilala ng mga bisitang atleta at kanilang pamilya ang Pilipinas.
“Bukod sa paglalaro, mabibigyan din sila ng pagkakataong mamasyal at maranasan ang kagandahan ng ating bansa,” ani Laurel.
Inaasahang magiging kapaki-pakinabang ang torneo hindi lamang sa paghubog ng talento ng mga lokal na manlalaro kundi maging sa pagsusulong ng sports tourism sa Pilipinas. (PSA/HNT)
