Will Ashley sobra-sobrang pasasalamat sa pagwawagi sa 9th Eddys
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MANALO, matalo dadalo si Will Ashley sa 9th Eddys o Entertainment Editors’ Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na ginanap noong Linggo sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts.
Katwiran ni Will, isang malaking karangalan ang ma-nominate sa Best Supporting Actor category lalo’t magagaling din ang mga kasamang nominado.
Nagwagi si Will bilang Best Supporting Actor sa mahusay na pagganap sa Bar Boys: After School. Ka-tie niya sa kategoryang ito si Rico Blanco mula naman sa mahusay niyang pagganap sa pelikulang Manila’s Finest.
Ganito rin ang attitude ni Rico na noong unang matanggap ang balitang kasama sa mga nominado agad inayos ang schedule para matiyak na makadadalo sa Gabi ng Parangal.
Kalaban nina Will at Rico sa kategoryang ito sina Lucas Andalio para sa Call Me Mother; Richard Quan para sa How To Get Away From My Toxic Family; Tom Rodriguez para sa UnMarry; at Zac Sibug para sa UnMarry.
Nominasyon pa lang ay sobra-sobra na ang kasiyahan ni Will at labis na nagalak nang masungkit ang Best Actor trophy. Sa totoo lang sobra-sobra rin daw ang kaba ng aktor.
Hindi rin halos makapaniwala na siya ang tatanghaling Best Supporting Actress si Rochelle Pangilinanpara sa mahusay niyang pagganap sa Child No 82: Anak ni Boy Kana. Sabi nga niya sa kanyang speech, matitindi ang kanyang mga katunggali tulad nina Susan Africa para sa How To Get Away From My Toxic Family; Eugene Domingo para sa UnMarry; Jennica Garcia para sa Sunshine; Odette Khan para sa Bar Boys: After School; at Sylvia Sanchez para sa I’m Perfect.
Maging si Maris Racal (nominadong Best Actress para sa Sunshine) ay naghayag din ng excitement sa nominasyon kaya naman wala mang kasiguraduhan ay dumalo pa rin. Kaya sobra-sobra rin ang tuwa na siya ang nanalo at tanghaling Best Actress.
Nakatutuwa ring dumalo sa 9th Eddys Choice ang iba pang mga nominado na tulad nina Sylvia Sanchez, Ms Odette Khan (for Best Supporting Actress); Vice Ganda, Dingdong Dantes (for Best Actor); Mylene Dizon, Krystel Go (for Best Actress); Richard Quan, Lucas Andalio, at Zac Sibug (for Best Supporting Actor).
Nakita rin namin sa Gabi ng Parangal sina Bar Boys: After School director Kip Oebanda at direk Jerrold Tarog para sa Quezon na siyang itinanghal na Best Director at Best Film.
“The fact na na-nominate, sobrang saya-saya ko na, so ayos na ‘yun, pero syempre andito rin ako to present something because recently we partnered with SPEEd, kumbaga joint project namin para sa community, para sa industriya,” katwiran naman ni Dingdong na nominado rin bilang Best Actor sa pelikulang Only We Know.
Kahanga-hanga naman ang ginawa ni Jericho Rosales nang tawagin ang kanyang pangalan bilang nagwaging Best Actor sa pelikulang Quezon. Nagtungo ito sa puwesto ni Vice Ganda, na katunggali niya rin para naman sa pelikulang Call Me Mother, inakap niya iyon bago umakyat ng stage at tanggapin ang parangal.
Hindi man nagwagi ang iba sa mga dumalo, o wala mang kasiguraduhan kung sino ang magwawagi sa kanila, napakagandang makita na binibigyang halaga nila ang pagkilalang ibinahagi sa kanila ng SPEEd para sa 9th Eddys.
Kaya naman saludo kami sa lahat ng dumalo, nakiisa, at nagbigay-halaga sa kanilang nominasyon.
Nagbibigay-parangal ang The Eddys sa mga pelikula at artistang nagpakita ng husay sa pagbuo ng pelikulang Pilipino sa nakalipas na taon. Kinikilala ng The Eddys ang mga natatanging tagumpay sa paggawa ng pelikulang Pilipino sa 14 na kategoryang naglaban-laban.
Inorganisa ng SPEEd, ang The Eddys ay nananatiling isa sa mga pinaka-respetadong award-giving bodies sa bansa na nakatuon sa pagkilala sa kahusayan sa paggawa ng pelikulang Pilipino.
Ang 9th Entertainment Editors’ Choice ay nabuo sa kolaborasyon ng SPEEd, Newport World Resorts, PlayTime Entertainment, at Echo Jham Productions, kasama ang Gold Sponsors Globe Telecom at Unilab Inc.; Silver Sponsors SoundCheck Inc. at Puregold CinePanalo Film Festival; at Major Sponsors Luxent Hotel, Luxxe White, Beautéderm Corporation, Isha Ponti, at PlayaLolita Beach Resort Hotel and Restaurant.
Nagpapasalamat din ang SPEEd sa Carmelo’s/Sweet Bella, URC and Oatside.
At tulad ng mga nakaraang taon, ang Chan Robles & Company sa pangunguna ni Juancho Roblesang nangasiwa sa pagbibilang ng boto para tiyakin ang transparency sa proseso ng pagpili.
Kasalukuyang pinamumunuan ni Tessa Mauricio-Arriola ng The Manila Times, ang SPEEd ay binubuo ng mga entertainment editor at mga mamamahayag mula sa mga pangunahing broadsheet, tabloid, at nangungunang online news portal sa buong bansa.
Ang The Eddys ay nagsisilbing paraan ng grupo sa paghikayat sa mga Filipino filmmaker, producer, manunulat, aktor, at iba pang kaalyadong artista sa industriya ng pelikula sa Pilipinas na ipagpatuloy ang kanilang hilig sa paglikha ng mga pelikulang sumasalamin sa realidad ng lipunan habang kinikilala rin ang artistikong merito at epekto sa takilya.
