PATAY ang isang lalaki matapos ang insidente ng saksakan laban sa kasalukuyang karelasyon ng kaniyang dating kinakasama sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal, nitong Sabado, 30 Mayo.
Sa imbestigasyon ng Antipolo City Police Station (CPS), kita sa kuha ng CCTV ang insidente na pumapasok ang biktimang kinilalang si alyas Gilberto sa isang establisimiyento sa J.P. Rizal St., Brgy. Dela Paz, na may dalang patalim.
Sinabing napansin ng suspek na kinilalang si alyas Anthony ang biktima, kaya agad na tumayo at dinukot ang dalang patalim sa gilid ng suot na short pants.
Nauwi ang paghaharap sa pagtatalo gamit ang kani-kaniyang patalim kung saan tinamaan si alyas Gilberto ng malalang saksak sa kaniyang dibdib, habang nasugatan ang kilay ni alyas Anthony.
Parehong dinala ang dalawang magkatunggali sa pagamutan para malapatan ng atensiyong medikal ngunit kalaunan ay binawian ng buhay si alyas Gilberto.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng nag-ugat ang insidente sa samaan ng loob sa pagitan ng dalawa kaugnay sa pagiging magkarelasyon ng suspek at ng dating kinasakasama ng biktima.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Antipolo Police Custodial Facility si alyas Anthony habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kaniya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com