TODO paghahanda na ang Alas Pilipinas para sa matinding laban sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Cup na gaganapin mula Hunyo 6 hanggang 14 sa Candon City, Ilocos Sur.
Ayon kay head coach Shaq Delos Santos, pangunahing layunin ng koponan na mabuo ang pinakamalakas na lineup para sa torneo.
“Ang unang goal namin ay mapalakas ang team. Sa ngayon, nasa pool selection pa lamang kami,” pahayag ni Delos Santos sa ginanap na Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Philippine Sports Commission media room.
Manggagaling ang pinal na roster sa kasalukuyang 20-man player pool na kinabibilangan nina Alyssa Valdez, Jovelyn Gonzaga at Ces Molina — pawang bahagi ng 2019 SEA Games team.
Kasama rin sa ensayo ang apat na beses na UAAP Best Middle Blocker na si Nina Ytang ng University of the Philippines.
Ipinahayag ni Valdez ang kasabikan na muling magsuot ng national colors para sa bansa.
“Masaya at malaking karangalan na makabalik sa national team at muling katawanin ang Pilipinas,” ani Valdez.
Dagdag pa niya, hindi pa nila iniisip ang magiging resulta ng torneo at mas nakatuon sila sa matinding preparasyon.
“Ang magagawa lang namin ay maghanda nang mabuti. Asahan ng mga Pilipino na ibibigay namin ang aming pinakamahusay,” saad niya.
Excited din si Gonzaga sa muling pagsabak para sa bansa.
“Masarap sa pakiramdam na makabalik sa national team. Kapag tinawag ka ng bayan, handa kaming tumugon,” ani Gonzaga.
Kabilang din sa player pool sina Trisha Tubu, Ara Galang, Royse Tubino, Tots Carlos, Kyle Negrito, Kyla Atienza, Alyssa Eroa, Clo Mondoñedo, Thea Gagate, Tin Ubaldo, Jaz Ellarina, Cla Loresco, Lara Mae Silva, Vanessa Sarie, Natalie Estreller, Clarisse Loresco, Jonna Perdido at Adamson standout na si Lhouriz Tuddao.
Ayon kay Delos Santos, marami man ang inimbitahan, ang mga kasalukuyang nasa pool ang tunay na nagpakitang handang maglaro para sa bansa.
Mapupunta ang Alas Pilipinas sa Pool A kasama ang Chinese Taipei, South Korea, Kyrgyzstan, Australia at Uzbekistan.
Samantala, pamumunuan naman ng defending champion Vietnam ang Pool B kasama ang Kazakhstan, Iran, Indonesia, Hong Kong at Lebanon. (JM/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com