MATINDING hiyawan at palakpakan ang nakuha ng rising OPM band na The Sonnets matapos magpasiklab sa katatapos na UniversiTeen sa Hard Rock Cafe, Makati.
Todo hataw sa performance ang banda na binubuo nina Migo, Annie, at Joed kaya mas lalong dumami ang humahanga sa kanilang kakaibang tunog at emosyonal na mga kanta. Patunay lang ito na tuloy-tuloy na ang pag-angat ng grupo sa local music scene.
Mas lalong naging espesyal ang gabi dahil dito rin inilunsad ng The Sonnets ang kanilang pinakabagong single na Ambon.
Marami agad ang naka-relate sa kanta dahil sa madamdaming dala nito tungkol sa lungkot, pagmamahal, at paghilom. Habang live itong kinakanta ng banda, kapansin-pansin ang pagsabay ng audience at damang-dama ang bawat linya ng kanta.
Ayon kay Migo, very personal sa kanya ang Ambon dahil mula ito sa totoong emosyon at karanasang nais niyang ibahagi sa mga tagapakinig.
“Gusto kong maramdaman ng mga tao na okay lang maging malungkot minsan. ‘Yung ‘Ambon,’ para siyang tahimik na sakit na unti-unti mong inilalabas habang nakikinig ka sa music,” emosyonal niyang pahayag tungkol sa kanyang composed song.
Dagdag pa ng vocalist ng The Sonnets, umaasa silang mas maraming tao pa ang makadiskubre sa kanilang musika lalo na ngayong available na ang Ambon sa lahat ng streaming platforms.
“Sobrang thankful kami sa lahat ng sumusuporta sa amin,” sabi pa.
“Sana mapakinggan ninyo ang Ambon sa Spotify at sa iba pang streaming platforms.
Sabayan ninyo kami sa bawat breakdown at bawat emosyon ng kanta,” ani Migo.
Hindi naman maikakaila na unti-unti nang nagiging paborito ng maraming OPM listeners ang The Sonnets lalo na matapos sumikat ang kanilang kantang Lumalamig.
Ngayon, marami ang naniniwalang mas malayo pa ang mararating ng banda dahil sa kanilang kakaibang estilo, relatable lyrics, at solid live performances na talaga namang tumatagos sa puso ng audience.
Kaya naman kung naghahanap ka ng kantang mapakikinggan habang nagmumuni-muni o gusto mo lang damhin ang totoong emosyon ng OPM music, panahon na para i-stream ang Ambon ng The Sonnets!
Available na ito ngayon sa Spotify at sa lahat ng streaming platforms. Suportahan natin ang local music at samahan ang The Sonnets sa kanilang patuloy na pag-abot ng mas maraming tagapakinig. (Allan Sancon)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com