Wednesday , June 17 2026
P10-M cash incentives Palarong Pambansa

P10-M cash incentives, laan sa mga medalista ng Palarong Pambansa sa unang pagkakataon

PROSPERIDAD, Agusan del Sur — Sa kauna-unahang pagkakataon sa makulay na kasaysayan ng Palarong Pambansa, naglaan ang Philippine Sports Commission (PSC) ng P10 milyong cash incentives para sa mga mananalo ng medalya, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na buhayin at palakasin ang pambansang grassroots sports program.

Inilunsad ni Pangulong Marcos ang makabagong hakbang na ito noong Linggo sa pagbubukas ng ika-66 na Palarong Pambansa, na ipatutupad ng PSC katuwang ang Department of Education (DepEd), ang tagapag-organisa ng mga laro na tampok ang pinakamahusay na mga student-athletes mula sa elementarya at sekondarya sa buong bansa.

“Masaya akong ibalita sa inyo na sa unang pagkakataon, maglalaan ang Philippine Sports Commission ng mga incentives para sa mga medalists ng regular sports at para games bilang pagkilala sa inyong husay,” ani Pangulong Marcos sa isang video message.

“Alam ko na gagawin ninyo ang inyong makakaya. Marami kayong matututunan sa Palarong ito na madadala ninyo kahit saan man kayo magpunta. Dito ninyo matututunan ang tiyaga, respeto, disiplina at malasakit sa kapwa,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang mga gold medalist ng P5,000, ang silver medalists ng P3,000, at ang bronze medalists ng P2,000. Layunin ng hakbang na ito na suportahan ang pagsasanay at pag-unlad ng mga batang atletang Pilipino habang nababawasan din ang pinansyal na sakripisyo ng kanilang mga pamilya.

“Upang makatulong sa training ng atleta at sa mga gastos ni Papa at Mama. Maliit na halaga lang po ito sa dami ng lalahok at mananalo sa Palarong Pambansa. This is just a sincere gesture from our government na mula po sa puso,” ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio.

Binigyang-diin ng PSC na hindi lamang pinansyal na suporta ang layunin ng programa kundi pagpapakita rin na matatag na sumusuporta ang pamahalaan sa mga batang atleta mula pa lamang sa simula ng kanilang paglalakbay.

“Ang mga insentibong ito ay magsisilbi ring inspirasyon sa ating mga batang student-athletes upang mas pagbutihin pa ang kanilang pagsasanay at pagsisikap. Tulong ito upang maabot nila ang kanilang mga pangarap,” sabi ni Gregorio.

Sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), sa pangunguna ni Chairman Al Tengco, tiniyak ng PSC na maipapamahagi ang P10 milyong incentive fund sa mga medalista ng Palaro at magsisilbing daan para sa mas malaking pamumuhunan sa grassroots sports.

“Lahat po ito ay nagagawa natin sa tulong ng PAGCOR,” ani Gregorio.

Bagama’t maliit kung ihahambing sa dami ng kalahok at mananalo sa iba’t ibang palaro, sinabi ng PSC na mahalagang unang hakbang ito bilang malinaw na senyales na nakatuon ang pamahalaan sa pagsuporta sa mga batang kampeon mula grassroots level hanggang sa pandaigdigang entablado.

“Ngayon pa lang saludo kami sa inyo. Kayo ang susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino na magdadala ng karangalan at dangal sa ating bansa,” pahayag ni Department of Education Secretary Sonny Angara sa mga atleta.

Pormal na binuksan noong Linggo ang ika-66 na edisyon ng Palarong Pambansa, ang pangunahing paligsahan ng mga student-athletes sa bansa, sa Patin-ay Sports Complex.

Mahigit 13,000 student-athletes ang inaasahang lalahok sa 35 sports hanggang Mayo 31, kabilang ang apat na para sports (athletics, bocce, goalball, at swimming), tatlong demonstration sports (karatedo, kickboxing, at soft tennis), at apat na exhibition sports (arnis, muay thai, sitting volleyball, at table tennis).

“Malapit sa puso ng ating Presidente ang sports. Malaking budget ang inilaan ngayong taon para sa Palaro, mula sa pagpapaunlad ng school sports at katuwang ang PSC sa pagsasaayos ng sports facilities. Lahat po iyan ay utos ng ating mahal na Pangulo,” ani Angara.

Binigyang-diin naman ni Gregorio na ang tagumpay ng kabataan ay tagumpay ng buong bansa. Ayon sa kanya, nakabatay ang inisyatibong ito sa bisyon ng PSC para sa Philippine sports alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na palakasin ang grassroots sports:

“From Grassroots (Palaro) to Gold (Olympics). From Gold (medals) to Greatness (legacy and service to the nation).”

Nanatiling matatag ang PSC at DepEd sa kanilang pangakong mamuhunan para sa kinabukasan ng mga atleta — hindi lamang sa larangan ng kompetisyon kundi maging sa paghubog ng kanilang karakter — at sa pagtatayo ng mas matibay at mas malawak na sports pipeline mula sa bawat barangay, bawat paaralan, at bawat larangan ng palakasan sa buong bansa. (PSC/HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

Goitia Gibo Teodoro

Goitia kinondena ang panggigipit ng Tsina kay Teodoro, nagbabala sa unti-unting panghihimasok sa Bajo de Masinloc

MARIING kinondena ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang pagpapataw ng sanksyon ng Tsina …

Nartatez PNP

Higit pa sa malaking drug bust: Bakit mahalaga ang hatol na ito?

NANG makumpiska ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 1.4 toneladang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱9.68 …

Lifeline Chemotherapy Center

Cancer patients in San Jose del Monte City can now avail free chemotherapy at Lifeline Chemotherapy Center

Recent data from the Department of Health reveals a growing incidence of cancer in Bulacan, …

Bam Aquino

Bam Aquino pinaiimbestigahan mabagal na paglulunsad ng P67-B pondo sa pagtatayo ng silid-aralan 

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez NAGBALIK bilang tagapangulo ng Senate Committee on Basic Education si Senador …

Supreme Court 125th Anniversary NHCP

SC Unveils Historical Marker, Plaque for 125th Anniversary

MANILA, Philippines — The Supreme Court of the Philippines officially unveiled a historical marker from …