
HATAW News Team
IBINABALA ng Department of Energy (DOE) ang posibilidad na magkaroon ng mas maraming power interruptions sa mga susunod na buwan, bilang epekto ng matinding El Niño.
Ayon sa DOE, ang pagtataas ng yellow at red alerts ay maaaring magpatuloy sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, inaasahan ng DOE ang panibagong yellow alert sa Luzon grid, gayundin sa Visayas grid, na maaaring kakitaan ng pitong yellow alerts tuwing hapon, lalo na’t umaasa sa imports mula sa Luzon at Mindanao.
Bagamat walang nakikitang red alert sa Mindanao grid, maaaring magkaroon ng anim na yellow alert sa mga buwan ng Setyembre, Oktubre, at Nobyembre.
Tiniyak ng energy officials na ang mga industry players ay masusing nakikipagtulungan upang mabawasan ang impact ng El Niño sa suplay ng koryente sa bansa.
Sa yellow alert, sapat pa ang power supply sa demand ngunit nagsisilbi itong babala na kung may masirang planta ay magreresulta ito ng brownouts.
Samantala, ang red alert ay nangangahulugan na hindi na sapat ang suplay ng koryente sa demand nito at magkakaroon ng brownouts kung hindi mapangangasiwaan ang demand.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com