MATABIL
ni John Fontanilla
BIBIGYANG-PUGAY at pararangalan bilang Lifetime Achievement Awards ang tatlo sa pinagpipitaganang personalidad at icons sa industriya ng musika sa Pilipinas, ito ay sina Celeste Legaspi, Andrew E, at Mon del Rosario sa 17th Star Awards for Music sa Teatrino, Greenhills, San Juan City sa Hunyo 25, 2026.
Ang tatlong music icons ang napagdesisyonan ng mga opisyales at miyembro ng PMPC Star Awards Inc. na gawaran ng espesyal na mga parangal ngayong taon dahil sa marami nilang kontribusyon sa Philippine music industry.
Pararangalan sina Celeste at Andtew E ng Pilita Corrales Lifetime Achievements awards, habang tatanggapin naman ni Mon Levi Celerio Lifetime Achievement Award.
Nauna nang naparangalan ng PMPC si Celeste noong 2011 nang mapabilang siya sa 15 OPM Icons na binigyan ng special awards sa 3rd Star Awards for Music.
Si Andrew E naman ay nanalo ng Rap Album of the Year para sa kanyang Club Zilla album sa 2nd Star Awards for Music noong 2010.
Si Celeste ay sikat na singer, artista, at producer sa recording, pelikula, at teatro. Anak siya ng National Artist for Visual Arts na si Cesar Legaspi. Kabilang si Celeste sa mga aktibong nagsusulong sa Pinoy music kaya kabilang siya sa mga founder ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM). Bilang isang mang-aawit ang kanyang mga single at album noong 1970s at 1980s ay nagkamit ng gold at platinum status. Kabilang sa mga pinasikat niyang mga awitin ay ang Saranggola ni Pepe, Tuliro, Gaano Ko Ikaw Kamahal, Minsan Ang Minahal Ay Ako, Movie Fan, Waray-waray, at ang trending sa TikTok ngayon na Mamang Sorbetero.
Nakilala naman bilang isa sa mga pangunahing rapper at hiphop artist ng bansa si Andrew E na sumikat hindi lang bilang recording artist kundi bilang artista rin na ang madalas na titulo ng kanyang mga pelikula ay hango sa mga hit song gaya na lang ng signature song niyang Humanap Ka ng Panget, Wag Kang Gamol, Andrew Ford Medina, Alabang Girls, Manchirichit, Ang Boyfriend Kong Gamol, Ikaw Ang Miss Universe Ng Buhay Ko, Banyo Queen, at ang patok sa TikTok na Shoot Shoot.
Samantala, si Mon ay isang multi-awarded composer, arranger, at record producer. Siya ang nag-compose ng classic hits na Somewhere In My Past ni Julie Vega, Boy ni Timmy Cruz, Sino ang Baliw?, Tamis ng Unang Halik ni Tina Paner, at ng monster hit na Isang Linggong Pag-ibig ni Imelda Papin.
Makakatuwang ng PMPC Star Awards Inc. sa pag-organisa ng 17th Star Awards for Music ang Echo Jham Entertainment Production na pinamumunuan ni Mhae Arenas. Si Calvin Neria ang magdidirehe ng awards night.
Ang Echo Jham ay isa mga kilalang production companies ngayon na nag-oorganisa at nagpo-produce ng mga bigating concerts at events sa Pilipinas at sa ibang bansa. Ang Echo Jham ang nag-produce ng matagumpay na 20th anniversary concert ni Nina noong May 9, 2026 sa Newport Performing Arts Theater.
Sa pamumuno ng kasalukuyang Pangulo na si Fernan de Guzman kasama ang mga opisyales at miyembro ng PMPC, sinisigurado nilang magiging maganda at maningning ang 17th Star Awards for Music sa tulong ng Echo Jham.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com