NAKATAKDANG magharap ang Azkals Development Club (ADC) at Enderun Colleges sa inaabangang kampeonato ng inaugural PFF Futsaliga Men’s Division na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), matapos kapwa manaig sa semifinals na ginanap sa Philsports Arena, ang tinaguriang mabilis yumabong na “House of Futsal” ng bansa.
Walang awang dinomina ng ADC ang University of Asia & the Pacific (UA&P), 7-2, upang mapanatili ang kanilang malinis na rekord at maselyuhan ang puwesto sa Men’s Cup Final.
Pinangunahan ni Christian Gabriel Vendiola ang matikas na ratsada ng ADC matapos umiskor ng dalawang goal upang lalo pang pagtibayin ang kanyang puwersa bilang isa sa pinakamahuhusay na manlalaro sa inaugural season ng torneo.
Pinuri naman ni dating Philippine men’s national team captain at ADC playing coach Stephan Schröck ang matinding ipinakitang laban ng UA&P.
“Binigyan nila kami ng magandang laban. Masaya kami na nakapasok kami sa finals,” ani Schröck.
“Napaghandaan namin nang mabuti ang bawat laro at sa finals, kahit anong puwedeng mangyari, sisiguraduhin naming handa kami,” dagdag pa nito.
Makakaharap ng ADC sa finals ang Enderun Colleges matapos tambakan ng Titans ang Philippine Women’s University (PWU), 9-2, sa isa pang semifinal upang makausad sa championship showdown sa Mayo 17.
Mula umpisa hanggang dulo ay kontrolado ng Enderun ang laban sa likod ng nakakabighaning performance ni Theo Appiah na kumamada ng apat na goal upang makisosyo sa liderato ng Golden Boot race.
Ayon kay Appiah, malaking hamon ang dinaanan ng Enderun mula pa lamang sa group stage.
“Matinding laban na agad mula sa simula ng torneo. Ngayong finals na, kailangan lang naming manatiling focused at consistent,” saad ni Appiah.
Binigyang-diin naman ng beteranong si Dominic Tom ang kahalagahan ng liderato at tiwala sa isa’t isa upang marating ng Titans ang finals.
“Laging panalo ang pangunahing layunin ng team. Trabaho kong gabayan ang mga rookies at teammates para makuha namin ang panalo,” ani Tom.
Dagdag motibasyon din para sa Enderun ang una nilang pagkatalo kontra ADC sa torneo.
“Handa kami para sa kanila. Natalo kami sa una naming laban pero ngayong finals na, lubos kaming preparado,” pahayag ni Appiah.
Samantala, rumatsada rin ang Tondo FC sa Men’s Plate Final matapos durugin ang Sporting QC, 14-1, kahit anim na manlalaro lamang ang kanilang ginamit.
Humataw si EJ Esquilona ng limang goal kapalit ng injured star na si MJ Libre upang pamunuan ang walang prenong opensa ng Tondo.
Makakasama ng Tondo sa Plate Final ang PUP Radicals matapos tambakan ang University of Makati, 7-1, sa pangunguna ni Sean Gabriel Tarrobal na umiskor ng dalawang goal.
Libre ang admission sa Philsports Arena habang mapapanood din nang live sa YouTube channel ng Philippine Football Federation ang inaabangang finals ngayong Linggo. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com