
HATAW News Team
“PARANG nawiwili na kayo sa kadadagdag!”
Matapang na buwelta ito ni Senator Imee Marcos sa pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) sa gitna ng pagdinig ng Senate PROTECT Committee kung saan binatikos ng senadora ang tila ‘magic’ sa pagkukuwenta ng koryente na sa bawat pag-angat ng presyo ng fuel at transmission ay ginagamit na dahilan para lalong palobohin ang singil sa mga consumer.
Kinuwestiyon ni Marcos ang mekanismo ng paniningil na kapag tumataas ang Generation at Transmission charges ay muling ‘ikinakarga’ o idinaragdag sa pagkalkula ng System Loss.
“Ang mahal na nga ng generation charge, tapos idodoble n’yo pa sa system loss? Ganoon din sa transmission, may ancillary charges na nga, isasama n’yo pa sa computation ng system loss,” anang Senadora.
Ayon kay Marcos, ang sistemang ito ay nagreresulta sa double-charging, tumataas ang singil sa koryente kapag tumaas ang presyo ng petrolyo at kapag humihina ang piso. Bukod pa rito ay awtomatiko rin tumataas ang System Loss charge kahit hindi naman dumami ang koryenteng nawawala sa linya.
“Parang pinaglalaruan n’yo ang computation para lang lalong bumigat ang bayarin. Isang beses lang tumaas ang cost ng koryente, pero dalawa o tatlong beses n’yo kaming siningil sa iba-ibang line item,” giit ng Senadora.
Lalong uminit ang pagdinig nang busisiin ni Marcos ang pagtaas ng transmission cost na dulot ng Ancillary Services o ang “standby” na koryente para sa grid stability.
“E, hindi pa naman ginagamit, bakit kinukubra na sa consumer? Nakatambay lang ‘yan, pero ang laki ng dagdag sa bill. At ang masakit, pati itong standby na koryente, pinapatawan n’yo pa rin ng system loss charge. Overwhelming na ito para sa mga pamilyang hirap na hirap na,” paliwanag ni Marcos.
Hindi rin pinalampas ng senadora ang pagpasa ng Meralco sa mga consumer ng gastos para sa Lifeline Rate at Senior Citizen discounts. Bagamat nasa piso o sentimo lang ito, kinuwestiyon ni Marcos kung bakit kailangan ang publiko pa rin ang magpasan nito.
“Meralco is the biggest utility. Hindi ba puwedeng i-absorb na lang ng Meralco ‘yan kaysa ipasa pa sa ibang consumer? Bakit kailangan lahat ng discount, kaming maliliit na tao rin ang magpapasan?” hamon niya.
Pinabulaanan ni Marcos ang katuwiran ng Meralco na “summer demand” ang dahilan kaya mataas ang bill ng mga consumer, aniya, bumaba ang konsumo ng koryente mula 2.711 billion kWh noong Pebrero patungong 2.644 billion kWh nitong Abril.
Binatikos din ng senadora ang pagpataw ng Value Added Tax (VAT) sa bawat component ng bill, kabilang ang system loss at transmission, na lalong nagpapalobo sa kabuuang babayaran.
Sa pagtatapos, binalaan ni Marcos ang Meralco at ang mga regulator (ERC at DOE) na hindi sapat ang mga “refund” na barya-barya lang kung ikokompara sa bigat ng monthly bill. Nanawagan ang Senadora para sa agarang rebyu ng EPIRA Law upang tuluyang alisin ang mga hindi makatarungang pass-on charges at ang “compounded calculation” sa system loss.
“Hindi lang ito basta pagsunod sa batas; ito ay usapin ng malasakit sa tao. Sa gitna ng krisis, dapat ang malalaking kompanya ang nag-a-adjust, hindi ang mga konsumer na nagmumura na sa sobrang mahal ng koryente,” pagtatapos ni Marcos.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com