KASUNOD ng pagpayag ng Regional Trial Court (RTC) Branch 118 ng Pasay City na makapagpiyansa ang dating TV host na si Jay Sonza ay humingi ng paumanhin ang judge na nauna nang naglabas ng warrant of arrest na walang piyansang inirekomenda.
Ayon sa abogado ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino, binago ng RTC Branch 118 Pasay City ang naunang ruling sa kasong Unlawful Publication, kaya maaari nang magpiyansa si Sonza.
Bagay na agaran nilang ipoproseso ang piyansa dahil sarado ang korte nang ilabas ang kautusan.
Nagulat si Tolentino sa paghingi ng paumanhin ng judge lalo na’t kauna-unahan itong nangyari at umamin sa kaunting kalitohan at pagkakamali.
Magugunitang naaresto si Sonza sa kanyang bahay sa Quezon City noong Huwebes ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) batay sa warrant na inilabas ng nasabing hukuman. Una itong itinuring na non-bailable offense.
Si Sonza ay nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa cybercrime, kabilang ang Unlawful Use of Means of Publication at Unlawful Utterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng NBI Cybercrime Division noong Enero 2026, kabilang umano si Sonza sa mga nagpakalat ng hindi beripikado at mapanlinlang na impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kabilang ang umano’y CT scan results na kumalat sa social media.
Nagpahayag ng pagtataka ang kampo ni Sonza dahil mula pa lamang sa simula ay bailable na ang naturang kaso na bahagi ng karapatan ng isang indibiduwal sa ilalim ng batas.
Itinuring ni Tolentino na isang “legal misstep” ang naunang paglalabas ng warrant na nagdeklara sa kaso bilang non-bailable.
Sa kasalukuyan, inaasahan ng kampo ni Sonza ang kanyang agarang paglaya matapos maisumite ang piyansa, habang posible pa silang magsampa ng reklamo kaugnay nito. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com