SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
AYAW mang ibuking ang sarili natatawa si Vice Ganda sa pagbabahagi ng bonggang makaka-collab niya sa Metro Manila Film Festival 2026.
Gusto mang isorpresa ng Asia’s Unkabogable Superstar ang netizens sa magiging pasabog niyang handog sa MMFF 2026, mabilis nang kumalat ang pagsasama nila ng isang premyadong aktor.
Pero maingat pa rin sa kanyang pahayag si Meme Vice nang makausap namin ito para sa dinner-bonding niya sa Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) noong Lunes ng gabi sa Romulo Cafe, Quezon City.
“Nakailang meeting na rin naman kami,” anito nang uriratin ukol sa magiging MMFF entry niya sa December.
“Nagbe-brainstorm kami every now and then. Nakailang meeting na kami…
“Bongga ‘yung ka-collab ko this time!,”
wika pa ni Vice Ganda.
Nang banggitin sa kanya ang pangalan ng maka-collab niya, napangiti ito at sinabing, “Hindi ko alam. Hindi ako masyadong nagbabasa lately. Basta, isa siyang pasabog na collab.”
Pero ang tiyak, first time nilang magsasama.
“Yeah, oo. Eh, kasi ‘yun din naman… siyempre antagal na rin namang nagso-solo movie,” anito.
“So excited din ‘yung mga tao na makita kung sino ‘yung ibang puwede ko pang makasama sa pelikula.”
At dahil kaarawan ni Vic Sotto kahapon, Abril 28, Martes, hiningan namin ito ng birthday greetings.
“Happy, happy birthday, Bossing! I love you for life! Gusto mong magka-movie tayo, Bossing?” nangingiti nitong sabi na naka-encounter niya last December sa Hong Kong.
“Last Christmas! Last Christmas, oo, holiday season last year. Last December lang sa Hong Kong, nagkita kami.
“Same hotel kami. Kasama niya si Sir Val Sotto. Family daw sila,” tsika pa ng komedyante.
Sa kabilang banda, nagbabalik ang kauna-unahang community singing game show sa bansa, ang Everybody Sing para sa inaabangang ikaapat na season nito kasama ang Asia’s Unkabogable Superstar sa Mayo 2 (Sabado) at Mayo 3 (Linggo) at mapapanood sa ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, iWant, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.
Panibagong episodes na puno ng kulitan at kantahan ang aasahan ng mga manonood kasama ang mga masusuwerteng Songbayanan. Mas magiging kaabang-abang pa ang bawat linggo dahil may makakasamang special guest co-host si Vice Ganda, bukod pa sa iba’t ibang celebrity guests at singers na hindi lang magdadala ng saya kundi tulong sa Songbayanan para sa tsansang makapag-uwi ng mas malalaking papremyo.
Nagbabalik din ang resident band ng programa, ang Six Part Invention.
Bukod sa bagong episodes, mayroon ding bagong pakulo ang programa na mas magpapalaki sa mapapanalunan ng Songbayanan. Ito ang “Singko Blanko,” na kailangang mahulaan ng celebrity guest at apat na represingtatives ang limang nawawalang lyrics ng kanta para sa tsansang manalo ng hanggang P200,000.
Nagbabalik din ang paboritong jackpot round ng viewers na “Ultimate Everybody Guessing,” na kailangang mahulaan ng Songbayanan ang 10 kanta para manalo ng P1-M. Ang bawat tamang kantang mahuhulaan ng 50 Songbayanan ay may katumbad na P20,000. Ang kabuuang pot money na kanilang malilikom ay kanilang paghahatiaan.
Kaya huwag palampasin ang pagbabalik ng Everybody Sing sa Sabado (Mayo 2) at Linggo (Mayo 3), 8:30 PM sa ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, iWant, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com