BINUKSAN na ang kauna-unahang air-conditioned passenger waiting room sa Baclaran Station ng Light Rail Transit Line (LRT) 1 upang magbigay ng karagdagang ginhawa sa mga pasahero laban sa matinding init ng panahon, lalo na ngayong summer season.
Inihayag ito ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), upang mas komportableng makapaghihintay ang mga pasahero partikular ang senior citizens, persons with special needs, at may mga kasamang bata, bago sumakay ng tren.
Sinabi ni LRMC President at CEO Enrico R. Benipayo, ang proyekto ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng LRMC sa Mitsubishi Heavy Industries – Mahajak Air Conditioners Co. Ltd. (MHI – MACO), na isa sa mga nangunguna sa industriya ng air conditioning sa Thailand.
Ang pormal na pagbubukas nito ay pinangunahan ni Benipayo, kasama sina MHI-MACO representative Taro Aoki, Mit-Air representative Andre See, Minister for Economic Affairs of the Embassy of Japan Naobumi Yokota, at Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Atty. Hernando Cabrera.
Layunin ng LMRC sa pagtutulungang ito na maghatid ng agarang ginhawa sa mga pasahero sa isa sa mga pinakaabalang estasyon sa linya. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com