Thursday , June 4 2026
Money Bagman

NBI agent pinatotohanan  kaduda-dudang timeline ng Pandi ‘ghost flood control project’

ISANG ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nagpatotoo sa Sandiganbayan na nakita niyang kaduda-duda ang naiulat na progreso ng isang flood control project na nagkakahalaga ng P92.8 milyon sa Pandi, Bulacan dahil sa mabilis na timeline nito.

Ang testimonya ay iniharap sa pagdinig sa bail hearing ng Sandiganbayan Third Division sa kasong malversation na kinasasangkutan ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office kaugnay ng sinabing ghost project.

Sinabi ni Atty. Ivan Samson, isang ahente ng NBI na nakatalaga sa Bulacan District Office, nakatanggap ang proyekto ng abiso na magsisimula noong 8 Abril 2025, ngunit naiulat na 95.17 porsiyentong kompleto na pagsapit ng 29 Abril.

Sinabi ni Samson sa korte, batay sa kanyang pagtatasa, ang mga proyektong ganito ay inaabot ng dalawang buwan o higit pa para makompleto.

Nagpakita rin siya ng video mula sa kanyang unang inspeksiyon sa lugar noong 16 Setyembre 2025, na aniya’y kinakitaan ng ilang steel bars na walang takip.

Ani Samson, muli niyang binisita ang lugar noong Nobyembre 2025 sa tulong ng akusadong dating inhinyero ng DPWH na si Arjay Domasig, na kanyang nakausap sa pamamagitan ng abogado.

Idinagdag niya, naniniwala siyang kumilos si Domasig nang may mabuting hangarin at walang dahilan para dalhin siya sa ibang lokasyon.

Sa ikalawang inspeksiyon, sinabi ni Samson na naobserbahan niya ang pagkakaroon ng bahagyang takip ng konkreto.

Sa ilalim ng cross-examination, kinuwestiyon ng depensa kung paano nakompirma ni Samson na ang lugar na kanyang naitala ay tumutugma sa mga tinutukoy na proyekto gayong sinabi niyang, hindi siya eksperto sa pagtukoy ng mga geographic coordinates.

Sinabi ni Samson na umasa siya sa isang mobile application at humingi ng tulong sa ilang mga inhinyero ng DPWH upang mahanap ang lugar.

Nang tanungin ng depensa, sinabi ni Samson na si Revilla ay itinalaga bilang respondent sa kaso batay sa sinumpaang salaysay ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee, na nagsasabing ang dating senador ay nakatanggap ng mga kickback mula sa mga proyekto sa pagkontrol ng baha, kabilang ang nasabing proyekto sa Pandi.

Ang korte na pinamumunuan ni Associate Justice Karl Miranda, ay dati nang naghain ng not guilty plea para kay Revilla.

Kinokontra ng mga tagasuporta ni Revilla ang pagiging state witness ni Bernardo.

Ang mga dating opisyal ng DPWH Bulacan 1st DEO ay naghain ng not guilty plea sa kanilang mga kasong malversation at graft. (MICKA BAUTISTA)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Micka Bautista

Check Also

Hand Baby Dead

Pinalabas na kinidnap ng ama
Sanggol paulit-ulit na iniuntog, bangkay isinilid sa ecobag ng yaya

NAAAGNAS na ang bangkay nang matagpuan ang isang 11-buwang gulang na sanggol sa loob ng …

Terry Ridon Sara Duterte

‘Pagtakas’ ni VP Sara sa paglilitis inupakan

MARIING pinuna ng ilang miyembro ng House prosecution panel ang naging sagot ng kampo ni …

Kiko Barzaga

Barzaga pinatalsik na, binura pa sa roster ng House of Representatives

BINURA kagabi, Martes, 2 Hunyo 2026, sa roster ng mga miyembro ng Kamara si Cavite …

PNP PRO3 Central Luzon Police

Sa Pampanga at Nueva Ecija
DALAWANG HIGH-VALUE TARGET TIMBOG SA P2.7-M HALAGA NG SHABU

DALAWANG high-value individuals ang naaresto sa pinaigting na kampanya ng Police Regional Office 3 (PRO3) …

Sibuyas Onions

₱35.4-M puslit na sibuyas nakompiska sa Nueva Ecija masterminds tinutugis

LABIS sa ₱35.4 milyong halaga ng pinaghihinalaang puslit na sibuyas ang nakompiska sa isang cold …