MA at PA
ni Rommel Placente
UMALMA si Jake Ejercito sa nag-trending na video ng isang vlogger na kinunan nito ang 13-year-old daughter ng aktor kay Andi Eigenmann na si Ellie.
Kita sa video na ayaw ng dalagita na kuhanan siya at tutukan ng camera, pero itinuloy pa rin ng vlogger ang pagbi-video rito, at ipinost pa sa kanyang socmed account.
Nakarating kay Jake ang nasabing socmed post kaya naman agad-agad nitong kinuha ang atensyon ng cyber citizens. Humingi ito ng tulong sa kanyang followers at mga netizen nitong Biyernes.
Ayon kay Jake, “This ‘influencer’ filmed Ellie without her consent. She did not want to be in his video—let alone be posted by him. Clout-chasing should never come at the cost of someone’s privacy, especially a minor.”
After naman ng one hour, nagbigay si Jake ng update sa kanyang socmed account tungkol sa ipinost ng vlogger.
Dito na niya ibinalita na binura na ng nasabing influencer ang video. Deleted na raw sa socmed. Pinangalanan din ng aktor ang umano’y clout chaser na influencer at naka-tag pa ito sa mismong post ni Jake.
Makikita rin sa latest socmed post ni Jake ang mukha ng vlogger kasama si Ellie na tinatakpan ang face niya habang nakatutok ang camera.
Post ni Jake, “Please continue reporting the page of this irresponsible clout chaser who ambushed a 13-year-old girl for views. I’m now in the process of exploring legal options.”
Naka-post din online ang screenshots ng mga bastos na komento ng ilang netizens na tila kinukunsinti ang ginawa ng vlogger. Balak kaya ni Jake na isama ang mga bastos na nagkomento sa legal action na gagawin niya?
Maraming netizens naman ang kumampi sa ginawang ito ni Jake.
Agree ang mga ito na dapat makasuhan ang mga ganitong klaseng tao. Sana nga raw maging aral ito sa ibang netizens na ‘wag basta-basta magpo-post ng mga photo at videos ng mga minor, lalo pa at wala itong pahintulot mula sa mga magulang or guardians.