NATUNTON na ng mga awtoridad ang pugot na ulo ng katawan ng lalaking unang natagpuan sa ilog sa ilalim ng lumang tulay sa bayan ng San Rafael, lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa Bulacan PPO, nakita ang ulo ng biktima kinabukasan ng hapon, Miyerkoles, 21 Mayo, sa kawayanang bahagi ng ilog sa Brgy. Salapungan.
Agad iprinoseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mga ebidensiya upang mabilis na matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima pati ang impormasyon kaugnay sa insidente.
Ayon kay P/Lt. Col. Protom Guevarra, acting chief ng San Rafael MPS, patuloy sa imbestigasyon ang pulisya upang maresolba ang kaso.
Nanawagan siya sa mga residente ng mga kalapit na bayan na maaaring may nawawalang mga kaanak na bumisita sa kanilang estasyon upang kilalanin ang biktima.
Hinimok ni Guevarra kung sino ang may alam sa lokasyon ng suspek na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.