MATABIL
ni John Fontanilla
SOBRANG saya ng singer na si Ariel Daluraya dahil nakakuha ito ng four yess mula sa hurado ng Pilipinas Got Talent na sina Donny Pangilinan, Kathryn Bernardo, Eugene Domingo, at Freddie Garcia.
Ayon nga kay Ariel, “Sobrang saya po niyong naka-4 Yesses ako. Hindi ko po inakala, pero sobrang grateful po ako na napahanga ko ang judges na sina Donny (Pangilinan, Eugene (Domingo), Kathryn (Bernardo), FMG sa talent na ipinakita ko.”
Bata pa si Ariel ay mahilig nang kumanta at nang marinig siya ng tatay niya ay ito mismo ang nag-push na umawit siya.
“Six years old po ako nang magsimulang kumanta, nakitaan po ako ng tatay ko ng potential sa pagkanta.
“Si tatay po ang nag-push sa akin para kumanta. Naaalala ko noon isinasali niya na ako sa mga amateur singing contest sa barangay namin.
“Masuwerte ako kasi may tatay akong sobrang supportive at nakatutok sa pagkanta ko. Isa siya sa inspirasyon ko para mas galingan pa ang pagkanta at maging successful bilang singer,” wika ni Ariel.
Ilansa idolo ni Ariel sina Regine Velasquez, Sarah Geronimo, Celine Dion, at Lea Salonga.
“Pare-parehong mahuhusay na singers and performers.
“Sana makasama ko sila sa mga show at maka-duet in the near future,” sabi pa.
Nagpapasalamat din si Ariel sa kanyang manager na si Otek Lopez na sumuporta sa kanya.
“Nagpapasalamat din ako sa aking manager na si Otek Lopez na gumagabay at tumutulong sa akin sa laban ko sa ‘PGT.’
“Naalala ko noong nalaman po namin na pasok ako sa ‘PGT,’ puspusan po talaga ang preparation namin. We seek help sa vocal coach na si Mark Joshua Fabic Morales at doon niya po itinuro ang techniques para maging perfect ang aking performance.
“At ngayong nalalapit na semi finals ay puspusan ang aking pagpa-practice para makausad pa sa next round patungong grand finals, sa tulong na rin ng Diyos,” giit pa ni Ariel.
Patuloy na lalaban si Ariel at mas gagalingan para maabot ang kanyang pangarap na maging ultimate winner ng PGT 2025 at maging sikat na singer.