Saturday , May 24 2025
Manny Pacquiao 2

Pacquiao suportado rollback sa presyo ng bigas at pagrepaso sa Rice Tariffication Law

NANAWAGAN si senatorial candidate Manny Pacquiao ng agarang pagbaba ng presyo ng bigas at masusing pagsusuri sa Rice Tariffication Law (RTL), sabay pangakong isusulong ang seguridad sa pagkain at pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at mamimiling Filipino kung siya ay muling mahalal sa Senado.

Binigyang-diin ni Pacquiao ang agarang pangangailangang pababain ang presyo ng bigas — na pangunahing pagkain ng milyon-milyong pamilyang Filipino — at itama ang tinawag niyang “hindi patas na epekto” ng pag-aangkat ng bigas sa ilalim ng RTL.

“Bigas ang buhay ng Filipino. Kailangan nating kumilos ngayon upang mapababa ang presyo ng bigas at maprotektahan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka. Kung gusto natin ng tunay na matatag at seguradong Filipinas, kailangan nating bigyang-lakas ang mga nagpapakain sa bayan,” ani Pacquiao.

Bagama’t maganda ang layunin ng RTL na patatagin ang suplay ng bigas, kailangan itong repasohin upang matiyak na hindi nalulugi ang mga magsasaka.

“Hindi puwedeng laging dehado ang ating mga magsasaka. Kailangan natin ng polisiya sa bigas na inuuna ang magsasakang Filipino habang sinisigurong kayang bilhin ng mamamayan ang abot-kaya at dekalidad na bigas. Pagkain ‘yan, hindi luho,” diin ni Pacquiao.

Isusulong ni Pacquiao ang mga amyenda sa Rice Tariffication Law upang maisama ang mekanismo ng interbensiyon ng gobyerno, direktang suporta sa mga magsasaka, at pagsusuri kung paano ginagamit ang nakokolektang taripa.

Binigyang-diin din ni Pacquiao na ang seguridad sa pagkain ay usapin ng pambansang seguridad, at nangakong maghahain ng panukalang batas upang gawing moderno ang sektor ng agrikultura, investment sa impraestruktura sa kanayunan, at dagdag na subsidy para mapataas ang ani at kakayahang makipagsabayan ng mga magsasakang Filipino.

“Ang pagbibigay-lakas sa ating mga magsasaka ay pagbibigay-lakas sa buong bansa. Ang seguridad sa pagkain ay hindi lang dapat slogan sa kampanya—ito’y dapat maging pambansang layunin,” ayon kay Pacquiao.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain na nagpapahirap sa pamilyang Filipino, ibinabandila ni Pacquiao ang isang platapormang “balik-sa-pinagmulan”: palakasin ang lokal na produksiyon, protektahan ang sektor ng agrikultura, at tiyakin na bawat Filipino ay may abot-kaya at sapat na pagkain.

Inihain din ni Pacquiao ang isang komprehensibong inisyatibong “Production-Distribution-Consumption” (PDC) na layong pababain ang presyo ng bigas, pataasin ang kita ng mga magsasaka, at tiyakin ang seguridad sa pagkain.

Sa ilalim ng PDC initiative, nakikita ni Pacquiao ang mga sumusunod:

• Mas malaking puhunan mula sa gobyerno sa produksiyon ng bigas sa pamamagitan ng subsidiya, irigasyon, at makabagong teknolohiya.

• Reporma sa sistema ng distribusyon sa pamamagitan ng pagbawas sa mga middlemen at pagtatatag ng direktang farm-to-market routes.

• Proteksiyon sa mamimili sa pamamagitan ng price monitoring at pinalakas na buffer stock ng National Food Authority (NFA) upang mapanatili ang presyo sa panahon ng kakulangan sa suplay.

Hinimok ni Pacquiao ang administrasyon na makipagtulungan sa Kongreso upang mapabilis ang mga posibleng amyenda sa Rice Tariffication Law.

“Ang seguridad sa pagkain ay seguridad ng bansa. Kung gusto natin ng tunay na pag-unlad, hindi natin maaaring iwanan ang ating mga magsasaka. Isang matatag na sektor ng agrikultura ang pundasyon ng isang matatag na Filipinas,” pagtatapos ni Pacquiao.

About hataw tabloid

Check Also

DOST Region 1, PNRI Strengthen Local Capacities on Radiation Safety and Emergency Preparedness

DOST Region 1, PNRI Strengthen Local Capacities on Radiation Safety and Emergency Preparedness

The Department of Science and Technology Region 1 (DOST Region 1), in partnership with the …

PRO3 LUMAHOK SA PNP DISASTER RESPONSE EQUIPMENT INSPECTION Ipinamalas ang kahandaan at pagtugon sa kalamidad

PRO3 LUMAHOK SA PNP DISASTER RESPONSE EQUIPMENT INSPECTION  
Ipinamalas ang kahandaan at pagtugon sa kalamidad

BUONG giting na ipinamalas ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang kanilang kahandaan sa pagtugon …

Pacquiao vs Barrios

Pacquiao magbabalik sa ibabaw ng ring

ni Marlon Bernardino MULING sasabak sa ibabaw ng ring si Manny Pacquiao matapos ang apat …

Patani Dano

Patani Dano nalungkot nang ‘di ini-renew ng Sparkle

ISA sa maituturing na masuwerte sa naging katas ng Survivor Philippines Batch 1 ang komedyanang si Patani Dan̈o, na …

Sharon Cuneta Kiko Pangilinan Frankie Yaya Irish Miel Miguel

Pamilya ni Sharon sinamantala bakasyon sa NY para makapag-bonding

MA at PAni Rommel Placente MAY sorpresang  regalo si Sharon Cuneta sa graduation ng anak na si  Kakie.  …