MATAPOS ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, nanawagan ang TRABAHO Partylist, numero 106 sa balota, para sa maayos na pamantayan sa calamity leave para sa mga naapektohang manggagawa bunsod ng pag-alboroto ng mga bulkang Kanlaon at Bulusan.
Layon ng panukalang calamity leave na mabigyan ng sahod ang mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor tuwing may kalamidad — sa panahon na hindi nila ginusto o mapipigilan — upang maitawid sa gutom ang kanilang mga pamilya sa pansamantalanf kalagayan.
Sa kasalukuyan, nakataas pa rin ang Alert Level 3 para sa bulkang Kanlaon, lalo sa mga lalawigang Negros Occidental at Negros Oriental.
Nitong Lunes, sinabayan ang pagputok ng bulkang Bulusan ng 54 beses na paglindol kung kaya’t idiniin ng TRABAHO Partylist ang kahalagahan ng suporta kagaya ng calamity leave para sa mabilis na pagbangon ng ating mga kababayan.
“Ang mga natural na kalamidad tulad ng pagsabog ng bulkan ay hindi lamang banta sa buhay kundi pati na rin sa kabuhayan at kalusugan ng ating mga manggagawa,” pahayag ni Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist.
Giit ng TRABAHO, ang magkasunod na pagputok ng mga bulkang Kanlaon at Bulusan ay nagsilbing paalala sa kahalagahan ng mga patakarang tutugon sa kondisyon ng mga manggagawa tuwing sakuna at kalamidad.