PORMAL nang ipinahayag ng MVP Group, na pinamumunuan ni chairman at matatag na tagasuporta ng sports na si Manuel V. Pangilinan, ang buong-pusong suporta nito sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) para sa makasaysayang pagho-host ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 na gaganapin sa 12-28 Setyembre 2025.
Pinagtibay nina Pangilinan at PNVF president Ramon “Tats” Suzara ang kasunduan kahapon, Lunes, sa The Lighthouse sa Meralco Building, Ortigas —hudyat ng isa na namang matagumpay na ugnayan, dalawang taon matapos ang kanilang pagtutulungan sa tagumpay ng pagho-host ng FIBA Basketball World Cup noong 2023.
“Ikinagagalak ng MVP Group na suportahan ang PNVF. Noon lang halos dalawang taon ang nakalilipas nang i-host natin ang Basketball World Cup, at ngayon naman ay volleyball. Bahagi ito ng ating bisyon na itaguyod ang Filipinas bilang destinasyon para sa sports at turismo,” sabi ni Pangilinan, na dala-dala ang buong suporta mula sa kanyang mga kompanya gaya ng PLDT, Smart, Meralco, Metro Pacific Investments, Cignal, at mWell para sa PNVF.
“Nais naming magtagumpay ang federation sa kanilang tungkulin bilang host at pinagtitibay namin ang aming suporta para sa isang world-class na kaganapan,” dagdag ni Pangilinan. “Good luck, Tats.”
Ang PLDT, ang pinakamalaking telecommunications network sa bansa, ang magiging opisyal na broadband internet partner, habang ang Cignal TV, isang higanteng media network, ang opisyal na broadcast partner ng unang pagkakataong pagho-host ng bansa sa men’s volleyball world championship.
“Matagal nang sinusuportahan ng MVP Group ang ating mga national team at ang partnership na ito ay sumasalamin sa ating iisang layunin — na paunlarin ang isport, magbigay-inspirasyon sa mga atleta, at pagsamahin ang mga tagahanga ng volleyball sa buong bansa. Maraming salamat, Boss MVP. Mabuhay ang MVP Group of Companies,” ani Suzara, na executive vice president rin ng FIVB at kasalukuyang presidente ng Asian Volleyball Confederation.
“Magkatuwang nating ihahatid ang isang kaganapang sumasalamin sa diwa ng volleyball at nagpapatibay sa ating dedikasyon sa kahusayan at sportsmanship,” dagdag ni Suzara.
Noong 2023, si Suzara ang nagsilbing punong tagapagpatupad at pangunahing tagaplano ng FIBA World Cup organizing committee, sa ilalim ng pamumuno ni Pangilinan bilang chairman emeritus ng dating host federation na Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Ngayon naman ay pagkakataon ng PNVF sa ilalim ng pamumuno ni Suzara, na may matibay na suporta mula kay Pangilinan, na layuning gawing sentro ng world-class sports ang Filipinas. Ito ay magsisimula sa pagho-host ng pinakamalaking edisyon sa kasaysayan ng FIVB Men’s Volleyball Championship na may 32 bansang kalahok.
Pangungunahan ito ng world No. 57 Alas Pilipinas, na muling sasabak sa world stage matapos ang mahigit limang dekada, mula pa noong 1971 sa Mexico.
“Kasama rin namin noon si Tats sa FIBA World Cup. Inuulit natin ito sa 2025, ngayon naman ay volleyball. Inaasahan namin na sa susunod, women’s event naman. Dapat makilala ang Filipinas bilang isang sporting nation,” pagtatapos ni Pangilinan.
“Sa loob ng 2-3 linggo, tayo ang magiging sentro ng volleyball at ng mundo ng isports. Isa itong napakahalagang kaganapan para sa bansa, at nararapat lamang itong suportahan ng aming grupo at ng pamahalaan ng Filipinas. Nais naming makakita ng mas maraming ganitong mga internasyonal na kaganapan upang makilala ang Filipinas bilang isang sentro ng isports sa rehiyon,” ani Pangilinan.
Ang pagtutulungan ng PNVF at MVP Group of Companies ay kasunod ng anunsiyo ng federation na ang K-Pop boy group na BOYNEXTDOOR ang magiging tampok sa engrandeng opening ceremony sa 12 Setyembre.
Dalawang buwan na ang nakalilipas nang ianunsiyo rin ng PNVF ang Honda bilang isa sa kanilang pangunahing sponsors, kasabay ng MVP Group, matapos italaga sina Bryan Bagunas at Eya Laure bilang mga opisyal na ambasador ng Alas Pilipinas.
Ang indie pop-folk band na Ben&Ben naman ang opisyal na music partner ng torneo, kung saan ang kanilang kanta na “Triumph” ang magsisilbing opisyal na awit ng men’s volleyball world championship, habang naghahanda ang PNVF para sa 100-day countdown sa buwan ng Hunyo.
Ayon kay Suzara, puspusan na ang mga paghahanda, at nakapila na rin ang iba’t ibang promotional events ng PNVF tulad ng Trophy Tour, International Road Show, Mascot Contest at Launch, Media Broadcast Conference, Team Managers Meeting, at mga Test Events sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa buong mundo. (HNT)